Angelica nakatagpo ng BFF kay John: Hindi namin kayang iwan ang isa’t isa
“WALANG iwanan!” Yan ang pagkakaibigan nina John Prats at Angelica Panganiban.
Kung may dalawang artista sa mundo ng showbiz (lalaki’t babae) na talagang solid ang friendship, yan ay walang iba kundi sina John at Angelica.
Halos 11 years na ang kanilang samahan pero aminado naman ang mag-BFF na hindi rin perfect ang relasyon nila as best friends.
Kuwento ni John, bata pa lang ay magkakilala na sila dahil nga palagi ring nakakasama at nakakatrabaho ni Angelica noon ang kapatid niyang si Camille Prats.
Aniya, talagang naging super close lang sila nang magkasama sila sa Kapamilya gag show na “Banana Sundae.”
“Yes, mas nabuo ‘yung friendship nu’ng pumasok ako sa ‘Banana.’ That was 11 years ago. Nu’ng pumasok kami sa ‘Banana,’ bigla na lang akong naging close sa kanya. Ako ‘yung nagbigay ng pet name sa amin. Naging dirediretso na ang friendship namin,” pahayag ng actor-director sa panayam ng online talkshow na “I Feel U.”
Sabi naman ni Angge, mas naging solid ang samahan nila noong mabigo sa pag-ibig si Pratty.
“Doon siguro namin na-prove na hindi namin kaya iwan ang isa’t isa. Hindi ko kayang nasasaktan ang taong ito. Doon na talaga siya lumalim, okay alam ko na ito. Wala itong iwanan,” chika ng aktres.
Maraming beses na rin daw silang nagkaroon ng issue, at kapag nag-away sila talagang matindi.
“Prangkahan kasi. Masakit kasi totoo ‘yung away namin. Sasabihin niya talaga na naiinis ako sa ‘yo, masama ang loob ko sa ‘yo. Kahit umiiyak ako, hindi siya maaapektuhan. Palilipasin muna namin,” pag-amin ng dalaga.
Hirit naman ni John, “When I tell her naman ‘yung inis ko sa kanya, ang kasunod naman nu’n is to fix it. Hindi ko na siya pinapatagal.”
Nang mapag-usapan na ang tungkol sa lovelife, aminado rin ang mag-BFF na may mga dine-date sila noon na hindi nila gusto para sa isa’t isa.
“Oh yes! Sinasabi namin!” chika ni Angelica. “Siya kasi kapag may dine-date, parang wala akong say diyan kahit best friend mo ako.
“Pero kapag may sinabi siyang red flag, bibigyan ko lang siya ng advice. Pero kasi kapag gusto mo na, gusto mo na iyan eh,” sey pa ng dalaga.
“Feeling ko sa aming dalawa, kasi siya ‘yung in love tapos ako ‘yung nasa labas so ako ‘yung nakakakita ng, ‘Mali na ito ah. Nang-aabusa na si girl ah.’
“Doon nagsisimula ‘yung inis ko tapos sasabihin ko ‘yun sa kanya. Pero siyempre kikimkimin ko muna. Ayaw ko naman makadagdag sa mga nangyayari sa kanila din.
“Pero kapag nainis na ako sa girlfriend niya, wala na ‘yun. Ayaw ko na. Hindi na ako sumasama sa kanila. Hindi na ako third wheel,” litanya ni Angelica.
Para naman kay John, nagiging honest din naman siya sa kanyang feelings kapag hindi niya gusto ang isang lalaki para kay Angge pero mas matimbang pa rin ang kaligayahan ng kaibigan.
“Kahit ayaw ko ‘yung karelasyon niya, I always wish na sana mali ako. I always wish na mahanap niya ang happiness niya.
“Kasi more than my feelings, I just want to think of her feelings and her future na maging maayos din ang mapupuntahan niya.
“Kasi alam ko kung gaano siya kabait. Alam ko kung gaano ma-pure yung puso niya,” aniya pa. Siniguro rin ng aktor na maswerte talaga ang lalaking makakatuluyan ni Angge.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.