Lolong dahon ng saging ang face shield, nakatanggap ng facemask sa pulis
Tunay ngang maraming gamit ang dahon ng saging. Ilang beses na ring nag-viral ang kwento ng mga estudyanteng walang pambili ng papel at ginamit ay dahon ng saging para sulatan.
Pero face shield?
Sa checkpoint na isinasagawa ng kapulisan sa Cauayan City Police Station sa lalawigan ng Isabela, isang matandang lalaki na nagbibisekleta ang sinita nila.
Violation ni lakay: suot niya ay dahon ng saging bilang improvised face shield.
Nang tanungin ng mga pulis sa pangunguna ni Police Staff Sergeant Mark Anthony Ramirez kung bakit dahon ang suot niya. Ang tugon ni lolo na residente ng Barangay Alinam ay wala siyang pambili ng facemask o face shield.
Sa halip na patawan ng penalty sa paglabag sa regulasyon ng quarantine, isang facemask ang iniabot ni Ramirez sa matanda.
Ipinost ng Cauayan City police ang mga larawan ng nakakaantig ng damdaming tagpo sa checkpoint. Habang inilalathala ang balitang ito, umani na ng mahigit 9,500 na likes sa Facebook ang mga larawan.
Ang lalawigan ng Isabela ay nasa ilalim ng modified general community quarantine.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.