Ion Perez sa 22nd monthsary nila ni Vice: Hindi kita nabingwit, hinuli kita
“HABA ng hair!” Yan ang nagkakaisang komento ng fans and supporters kay Vice Ganda dahil sa nakakakilig na paandar ni Ion Perez.
Nag-post ang model-actor ng ilang short video sa kanyang social media account ng mga pampa-good vibes na eksena nila ni Vice sa “It’s Showtime” na may caption na, “Bentedos!”
Ito’y bilang bahagi ng selebrasyon nila ng TV host-comedian para sa kanilang 22nd monthsary last Aug. 25.
Ginamit pa ng binata ang ilang salita mula sa “Hindi Kami Bagay, Tao Kami” spoken words poetry ng actor-writer-director na si Rod Marmol.
Narito ang bahagi ng mensaheng nais iparating ni Ion kay Vice, “Nabingwit lang daw kita. Sobrang suwerte ko raw sa’yo.
“Hindi raw tayo bagay. Ilang libong kaibigan na rin ang nagsabi na ibili raw kita ng helmet.
“Kasi baka raw mabunggo ka, baka matauhan.
“Mali sila, e. Hindi naman kasi kita nabingwit, e.
“Hindi ako gumising isang araw, namasyal sa batis upang mangisda para lang biyayaan ng Langit ng isang katulad mo.
“Hindi. Hindi kita nabingwit. Hinuli kita.”
Pagpapatuloy pa ng nasabing spoken words poetry, “Alam kong ordinaryong isda lang ang maaabot ng pisi sa kababawan ng batis
at hindi ko kailangan ng ordinaryo, ng sanay sa mababaw.
“Hindi kaya ng ordinaryo na intindihan ako, sa paraang nagagawa mo.
“Hindi niya ako kayang titigan nang nasisilaw sa tingkad ng pagkatao ko. Kaya sumisid ako patungo sa dagat para matunton ka.
“Hindi kita nabingwit. Hinahanap kita.
“Buong buhay akong lumangoy sa iba’t ibang klaseng tubig—sa tabang, sa kanal, sa irigasyon, sa alat, sa luha – lahat. Para lang makakita ng isang katulad mo.
“Hindi ordinaryo. Sanay sa kalaliman ng buhay. Isang tao na makikita ang puso ko at hindi ang mga pasa ko.
“Isang tao na kayang hawakan yung kamay ko sa harap ng mga sanggano at ng mga santo.
“Isang taong maniniwalang hindi man kami bagay, tao naman kami.
“Taong may tumitibok na pulso. Mga taong may karapatang mahalikan, mahagkan, masaktan, pangakuan sa sarili naming paraan.”
“Ibibili ko siya ng helmet. Bibili rin ako ng helmet. Kasi malayo pa ang lalakbayin natin.
“Malayo pa ang tatakbuhin namin. Sa ayaw man nila o sa gusto.”
Samantala, nag-post naman si Vice sa IG ng mga litrato nila ni Ion. Caption niya sa isang photo, “Happy lang walang ending!”
“Jowa mo yan zizzzt??!!” ang nakasulat naman sa isa pa niyang post.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.