Janine tuwang-tuwa nang regaluhan ng Playstation ni Rayver: Pero feeling ko naisahan ako!
IBINUKING ni Rayver Cruz na hindi raw maregalong girlfriend si Janine Gutierrez.
Sa katunayan, hanggang ngayon daw ay wala pa itong gift sa kanya para sa isang okasyon na ipinagdiwang nila kamakailan lang.
Aliw na aliw kaming panoorin ang kulitan at okrayan ng Kapuso couple nang mag-guest sila sa “Mars Pa More” nina Iya Villania at Camille Prats.
Dito nga nagkabukingan kung sino sa kanila ang mas generous o galante pagdating sa pagreregalo.
Inamin naman ni Janine na guilty siya pagdating sa bagay na ito pero hindi naman ibig sabihin na kuripot siya o wala siyang panahon para maghanap na regalo para kay Rayver.
Kuwento naman ng Kapuso actor, natapos at natapos daw ang isang napakahalagang okasyon sa kanilang dalawa na wala siyang natanggap na kahit ano mula kay Janine.
“Sa isang pinaka-special day namin, hanggang ngayon wala pa. Wala pang gift,” tawa nang tawang pahayag ng Kapuso TV host-actor.
Hirit pa niya, “Wala pa siyang gift, so waiting pa ako kasi it’s a very special day but I’m still waiting. Wait lang ako, magwe-wait pa ako.”
Pero may pambawi naman si Rayver sa kanyang girlfriend — hanggang ngayon daw ay gamit pa rin niya ang iniregalo nitong wallet sa kanya na aniya’y may dalang swerte dahil sa dami ng natatanggap niyang blessings.
Samantala, naikuwento naman ni Janine ang pagreregalo sa kanya ni Rayver ng Playstation. Talagang tuwang-tuwa siya nang matanggap niya ito.
Pero feeling niya, naisahan daw siya ng nobyo, “Sabi ko wow! Playstation. Bata pa ko nu’ng huling nagka-Playstation ako.”
“Natuklasan ko eventually [kaya ako niregaluhan] dahil pala pagbisita niya sa bahay eh, magpi-playstation siya. Wais!” pambubuking ni Janine sa binata.
“That’s how I do it,” natatawang hirit naman ni Rayver.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.