Pokwang biglang napaiyak sa presscon ng TV5: Hindi ako pwedeng ngumanga lang…
NAPAIYAK si Pokwang kanina sa virtual mediacon para sa bagong programa niyang “Fill in the Bank” ng TV5.
Hindi niya napigilan ang emosyon nang mapag-usapan ang tungkol sa pagpapasara sa ABS-CBN at ang pagpasok niya sa TV5.
Una, inamin muna ni Pokwang na hindi pa rin siya nakakapag-adjust sa bagong normal ng taping ngayon dahil sa COVID-19 pandemic.
“Ako, honestly hindi pa ako nakakapag-adjust talaga. Alam n’yo naman kaming mga komedyante malilikot kami at kapag nagkita-kita kami ay sanay kami na pisikalan (batian).
“Ang hirap lalo na kapag nakikita mo ‘yung mga kaibigan mo na gusto mong yakapin, pero iisipin mo pa ring maging responsable ka kasi hindi naman puwedeng ikaw lang ‘yung maligtas kasi lahat dito may mga pamilya.
“Lahat nagri-risk magtrabaho para makapagbigay kami ng magandang show para mapasaya ang mga manonood, so ang hirap pa rin, pero siyempre pag inisip mo na meron kang responsibilidad, kailangan mong um-adjust nang bonggang-bongga,” paliwanag ng komedyana na TV host na ngayon.
Samantala, nang mag-guest nga siya sa “Eat Bulaga” para sa “Bawal Judgmental” pagkatapos lumabas ang balitang hindi na nabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN ay doon niya nalaman na wala na pala siyang kontrata sa Kapamilya network.
Si Pokwang ay Star Magic talent sa loob ng 15 years kaya naman naging emosyonal siya nang ikuwento sa media kung bakit kinailangan niyang tumalon agad sa ibang network
“Siyempre 15 years hindi po ganu’n kadali (napaiyak na), ang laki po talaga ng nabago sa buhay ko and nagpapasalamat ako nang sobra sa ABS, sa mga nagtiwala sa akin at nagpapasalamat pa rin ako kasi ako po ‘yung una nilang sinabihan na wala ng kontrata at dahil ganu’n nila ako kaagang sinabihan, maaga rin akong nakapag-isip para sa pamilya ko.
“Kasi hindi po ako puwedeng huminto, hindi ako puwedeng ngumanga marami pong umaasa sa akin, so sa isang banda hindi ko rin po dapat ikatampo ‘yun kasi maaga kong naihanda ang sarili ko, maagang naisalba ‘yung pamilya ko.
“And thank you po sa APT (Entertainment) sa Archangel (Media) na talagang bukas po ‘yung pintuan nila.
“Buti na lang may sumalo kaagad sa akin kaya sobrang thank you, thank you po talaga. Napakalaki ng tulong na ito sa pamilya ko,” kuwento ni Pokwang.
Dagdag pa niya, “Hindi po mawawala siyempre kung ano ‘yung (naitulong) sa akin ng ABS, thank you po talaga.”
Nabanggit din ni Pokie na ang “Banana Sundae” family niya ang una niyang sinabihan na may bago na siyang bahay, ang TV5.
“My Banana family kasi meron kaming group chat at naiintindihan nila, intinding-intindi nila ako. Sabi ko nga, ‘mga anak kung ako lang ito, kung wala lang akong anak at ina na gagamutin habambuhay, kaya kong maghintay, kaya kong mag-stay, at naintindihan nila at very thankful ako na supportive sila kung nasaan man ako ngayon.
“At nakakatuwa kasi nagme-message sila (Banana Sundae family) sa akin na ‘mamang you deserve that ‘yung mga show na mayroon ka ngayon alam namin ipinagdasal mo ‘yan, bagay sa ‘yo. Ang hirap kasi naiwan ko sila pero ramdam mo na ang suporta nila ay 100% which is nakakatuwa,” kuwento ulit ni Pokang.
Going back to “Fill in the Bank” ay suwerte ang bawa’t contestant na mananalo ng P150,000 kada episode.
Mga celebrity ang contestant sa buong buwan ng Agosto tulad nina Ronnie Alonte, Jerome Samonte, Aubrey Miles, Jacq Yu at marami pang iba.
Mapapanood ang “Fill in the Bank” nina Pokwang at Jose Manalo tuwing Lunes, MIyerkoles at Biyernes, 7:30 p.m., sa TV5.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.