Mga karapatan at obligasyon ng “REKLAMADOR”
Mula ng nagsimula ang COVID-19 crisis, marami sa ating mamamayan, lalo na sa social media, ang nagpahayag ng kanilang mga damdamin at disgusto sa pamamaraan ng gobyerno sa paglutas ng crisis. Sila yung mga tinawag (at minsan kinukutya) bilang “REKLAMADOR”.
Ang pagpahayag ng damdamin tungkol sa palakad ng gobyerno o yung right to air grievances ay ginagarantiyahan ng Constitution (Article 2, Section 4).
Ang lahat ng mamamayan ay may constitutional right na magpahayag ng kanilang mga damdamin (to air their grievances) ukol sa mga bagay-bagay na sa tingin nila ay maling pamamalakad ng gobyerno, tulad ng pamamaraan kung papaano reresolbahin ang COVID-19 crisis.
Kasama sa karapatan ng mamamayan ang magreklamo at ihayag at sabihin na mali ang paraan na ginagawa o sinusulong ng gobyerno para resolbahin ang COVID-19 crisis.
Kasama din sa karapatan ng mamamayan na magmungkahi ng solusyon (propose a solution), mali man o tama, kung papaano dapat resolbahin ang crisis. Ngunit tandaan na walang obligasyon ang mga “reklamador” na magmungkahi kung papaano susulosyunan ang crisis.
Kasama din sa karapatan ng mamamayan na punahin (criticize) ang gobyerno kung sa tingin nila ay wala itong ginagawa upang solusyonan ang pagdami ng COVID-19. Tandaan din na hindi tamang tanungin ang mga “reklamador” kung ano ang mga nagawa nito upang sulusyonan ang crisis.
Karapatan din ng mamamayan na punahin ang gobyerno kung sa tingin nila ay mali, kulang o hindi sapat ang pamamaraan ng gobyerno para mapigilan ang pagdami ng COVID-19.
Ang paghayag ng damdamin, ang pagreklamo at ang pagpuna sa mga gawain at hakbang ng gobyerno tungkol sa pagresolba ng COVID-19 crisis ay ginagarantiyahan din ng Constitution (Article 3, Section 4) sa ilalim ng freedom of expression and speech.
Ang karapatan ng mamamayan na magpahayag ng kanilang damadamin, magreklamo at pumuna ay maaari din gawin sa mga official acts ng mga namumuno sa gobyerno tungkol sa pagresolba ng COVID-19 crisis.
Maaaring ihayag at sabihin ng mga mamamayan na walang ginagawa ang mga namumuno upang resolbahin ang crisis o kung mayroon man, ito ay hindi sapat at kulang.
Maaaring punahin ng mamamayan at sabihin na mali at hindi tama ang ginagawa ng mga namumuno sa pagresolba ng COVID-19 crisis.
Ang magpahayag ng damdamin, magreklamo at pumuna sa mga officials acts ng mga namumuno tungkol sa pagresolba ng COVID-19 crisis ay protektado din sa ilalim ng freedom of expression and speech.
Ngunit dapat malaman at tandaan na ang karapatan magpahayag ng damdamin, magreklamo at pumuna tungkol sa pagresolba ng COVID-19 crisis ay may limitasyon at hangganan. May mga obligasyon din ang mga “reklamador”.
Hindi pwedeng ihayag ng mamamayan ang kanilang damdamin, o sa pamamagitan ng reklamo at pagpuna, na guluhin, palitan o patalsikin ang gobyerno. Hindi din maaaring maghimok ng himagsikan, rebellion, terorismo o isang kaguluhan na ikaka-peligro ng mga mamamayan at ng gobyerno. Kailangan pa din igalang ng mga mamamayan “reklamador” ang lahat ng batas, kasama na ang law on libel, at ang mga karapatan ng ibang tao.
Ang pagpapahayag ng damdamin ng mamamayan, kasama na ang pagreklamo at pagpuna tungkol sa pagresolba ng COVID-19 crisis ay maaaring makatulong sa pagresolba ng crisis. May mga bagay na maaaring hindi nalalaman at nakikita ng gobyerno at ng mga namumuno na nalalaman at nakikita ng mamamayan.
Sana ikonsidera ng gobyerno at ng mga namumuno ang mga reklamo at puna ng mga “reklamador” bilang isang constructive criticism. At kung ang reklamo at pagpuna ay may basehan at tama naman, huwag sanang magdalawang isip ang gobyerno at ng mga namumuno na gawin ito.
Isaalang-alang din sana ng gobyerno at ng mga namumuno na ang mga “reklamador” ay ginagampanan lang nila ang kanilang social and moral obligation na tignan, bantayan at tiyakin na ang kilos at galaw ng gobyerno at ng mga namumuno sa pagresolba ng COVID-19 crisis ay tama at para sa kabutihan ng sambayanan.
Ang mga unang “reklamador” sa kasaysayan ng Pilipinas gaya nila Rizal, Melchora Aquino, Mabini at mga iba pa, ay hindi naging pipi, bulag, at bingi para sa kanilang Inang Bayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.