Kurapsyon sinisi ni Duterte sa pagkaantala ng pagtatayo ng cell sites
Kurapsyon ang sanhi ng pagkaantala ng pagtatayo ng mga dagdag na telecommunications tower sa bansa.
Ito ang konklusyon ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos marinig ang paliwanag ni Ernest Cu, presidente ng Globe Telecom, nang ito ay dumalo sa konsulatasyon sa Malacañang kaugnay sa pandemyang kinakaharap ng bansa.
“It’s really corruption,” anang Pangulo sa kanyang speech na inere ng PTV-4 nitong Biyernes ng umaga. “Ang order ko sa Cabinet ngayon is to really take ‘yung pinakamabigat the most drastic measures that you can find para magkaintindihan na tayo.”
Nangyari ang pag-uusap tatlong araw matapos magbanta si Duterte sa ikalima nitong State of the Nation Address na maaaring i-take over ng gobyerno ang mga higanteng telco na Globe at Smart kung walang magandang pagbabago sa mga serbisyo nito.
Pabiro pang sinabi ni Duterte na ibibitin nya si Cu sa Globe cell tower kung hindi gaganda ang serbisyo nito hanggang sa katapusan ng taon.
Pero sa kanilang paghaharap sa Palasyo, sinabi ni Cu na sangkaterbang permit at dokumento at kung anu-anong mga bayarin ang sinisingil para mapahintulutang makapagtayo ang telcos ng mga karagdagang telecommunication tower.
“Ang 25 to 29 permit, umaabot ng walong buwan. Tapos marami pa ho kaming miscellaneous fees. Iba’t ibang klaseng tower fees. Meron kaming special use permit. Hindi ho namin ma-standardize,” ani Cu.
Inereklamo rin ni Cu na pabagu-bagong ang mga permit na hinihingi.
“Hindi ho namin alam kung ano ang itutuloy eh sa dami ng permit na required para makarating kami sa stage na ready to build,” wika pa niya.
“Isipin niyo lang ho ‘yun, sir, kung nag-apply kami ng 5,000 towers times 28 or 30 permits ay ilang libong permit ang kukunin naming para makapag-umpisa?” sumbong ni Cu.
Matapos marinig ang hinaing ni Cu, hinimok ni Duterte ang mga telcos na maghapag ng pormal na reklamo laban sa mga opisyal ng pamahalaan na nagpapabagal sa proseso ng pagtatayo ng mga cell sites.
“Alam mo you can ask Bong (Sen. Bong Go), or Sonny (finance sec. Carlos Dominguez III) or the generals, kay [DILG] Sec. Año. Isumbong ninyo na lang nang diretso,” mariing sagot ni Duterte.
Kasama ang pagtatayo ng mga telco towers sa programa na “ease of doing business” ng administrasyong Duterte na nagsusulong na mapabilis at maging simple ang mga proseso sa pagbibigay ng mga permit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.