Willie siniguro ang kaligtasan ng Wowowin staff: Naka-quarantine lahat, bawal silang umuwi
“SAFE po kami, naka-quarantine lahat. Bawal silang umuwi.”
Ito ang muling ipinagdiinan ni Willie Revillame para ipaalam sa publiko na istrikto nilang ipinatutupad ang health protocols sa bawat episode ng “Wowowin”.
May mga nag-aalala kasi na baka magkahawahan ang lahat ng nasa studio ng “Wowowin” matapos magpositibo sa COVID-19 ang co-host ni Willie na si Donita Nose.
Kamakailan ay ipinakita ng TV host-comedian sa manonood na negative silang lahat sa programa sa killer virus matapos sumailalim sa rapid test.
Sa nakaraang episode ng “Wowowin”, siniguro ni Willie na healthy siya at ang kanyang staff at ilang linggo na raw wala sa show si Donita nang tamaan ito ng COVID
“Ito hong mga ito (staff sa studio), naka-quarantine lahat. Bawal silang umuwi. So ngayon ho, ganyan ang ginagawa namin. Ingat na ingat ho kami dito.
“Mula ho sa lobby, sa mga guwardiya meron na kaming temperature test. At the same time, hinihingan sila ng medical clearance o medical certificate na tapos sila sa rapid test, nag-negative sila. So ganu’n po kaistrikto dito sa Wil Tower,” paliwanag pa ng comedian.
“Awa ng Diyos naman ho ay maayos lahat. Every week po nagkakaroon kami dito ng (disinfection). Every week po ‘yan, Saturday and Sunday.
“Inaalagaan namin ‘to at inaalagaan ko sarili ko para po sa inyo. Dahil kung wala po ako, walang ‘Tutok to Win,’ walang tatawag sa inyo. Kaya importante, alagaan namin ang aming sarili. Para sa inyo po ito,” mensahe pa ni Willie.
Samantala, muling nagpaabot ng mensahe ang TV host para kay Donita na naka-confine pa rin ngayon sa ospital at patuloy na nagpapagaling.
“Huwag kang mag-alala Donita, maraming mga kabadingan na pinagdadasal ka at kaming mga kaibigan mo siyempre. Maraming nagmamahal sa ‘yo kaya you will be okay.
“Maraming tutulong sa ‘yo, huwag ka mag-alala. Ikaw ang lalaban diyan. ‘Yung COVID, sarili mo eh, ang lalaban diyan.
“Kami nandito to support you at para sa prayers mo. Lumaban ka diyan, ha. Talunin mo ‘yung virus na ‘yan para ‘di ba makasama ka pa namin,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.