Daryl Ong nag-init sa blogger: Shoo alis! Nangangamoy kalat dito!
PINAG-IINITAN ngayon ng mga netizens ang singer na si Daryl Ong matapos kumalat ang kanyang Facebook post tungkol sa COVID-19.
Kinontra kasi ng mga netizens ang tila paninisi niya sa mga nagpoprotesta sa kalye na isa umano sa mga rason kung bakit tumataas ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Dahil dito naging isa sa mga trending topic sa Twitter ang pangalan ni Daryl kahapon at talagang binabatikos siya dahil sa kanyang post sa FB.
“Mukhang mag E-ECQ na naman daw?… Ayos, rally pa more guys. [thumbs up emoji],” ang status ng singer sa kanyang FB page. Pero hindi na ito makita ngayon sa kanyang timeline.
Ngunit kahit deleted na ito, marami pala ang nakapag-screenshot ng post, isa na nga riyan ang blogger na si Keneth Quinto na talagang nakipagsagutan pa sa singer.
Ibinahagi niya sa kanyang social media accounts ang palitan nila ng mensahe ni Daryl.
Comment ng blogger sa FB post ni Daryl, “Tanga ka? Suportado ng WHO ang mga rally.” Na ang tinutukoy ay ang World Health Organization.
Ipinost din ng blogger ang screenshot ng mga artikulo mula sa Time.com at npr.org, kung saan nakasulat ang pagsuporta ng WHO at mga medical experts sa mga nagra-rally.
Pero ang mahigpit nilang bilin sa mga nagpoprotesta ay sundin pa rin ang lahat ng health protocols, lalo na ang social distancing at pagsusuot ng mask.
Ito naman ang bwelta ng singer sa blogger, “Basahin mo yung status ulit, basahin mo ng literal bago ka mag react.
“Dahil mas mukha kang tanga sa comment mo. Defensive ka masyado ulol kang tanga ka.”
Hindi pa rin nagpatalo ang blogger at sinagot din si Daryl at ipinagdiinan na binasa niyang mabuti ang post nito at malinaw na ang tinutukoy niyang dahilan ng patuloy ng pagtaas ng COVID case sa Pilipinas ay ang pagra-rally.
Pero giit ni Daryl, “Hindi, assuming ka lang talaga. Again, basahin mo. Para maunawaan mo ng maigi.
“Troll na troll kang bumibisita ka pa ng wall ng iba para magkalat. Shoo alis. Nangangamoy kalat dito,” matapang na resbak ni Daryl Ong.
May isang Twitter user ang nagkomento ng, “Daryl Ong, sana ginamit mo yung talento mo sa pagkanta upang maging boses ng naghihirap. Paano yun, health workers na mismo kasama sa rally?
“Sa tingin mo ba gusto nilang maulanan, maarawan, at lumabas kung okay naman ang lahat? Walang magrarally kung matino yung nasa Malacañang! Napuna mo na ba ang gobyerno sa kapabayaan nila ha?”
In fairness, may mga nagtanggol naman sa kontrobersyal na singer at sumang-ayon sa kanyang mga sinabi.
Malamang daw ilan sa mga nakilahok sa mga rally na ginanap sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang pagkontra sa gobyerno kasabay ng SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nahawahan na ng COVID.
Bukas ang BANDERA sa paliwanag ni Daryl hinggil sa isyung ito. Agad naming ilalabas dito sakaling mag-issue siya ng official statement.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.