Ethel sa pagsasara ng comedy bars: Natutulala na lang ako, parang gusto mong umiyak…paano na?
HANGGANG ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Ethel Booba na nagsara na ang halos lahat ng comedy bar na isa sa pinagkukunan niya ng kabuhayan.
Aminado rin ang komedyana na mas matindi ang nararamdaman niyang takot at pangamba ngayong panahon ng pandemya dahil meron na nga siyang anak.
Sa panayam ni Toni Gonzaga kay Ethel sa nakaraang episode ng “I Feel U”, sinabi ng singer-comedienne na mas inaalala niya ngayon ang anak na si Michaela kesa sa kanyang sarili.
Bukod sa hiling na sana’y matapos na ang COVID-19 pandemic sa buong mundo, talagang ang isa sa palagi niyang ipinagdarasal ngayon ay ang kalusugan ng anak nila ni Jessie Salazar.
“Ngayon wala na sa akin, sa baby ko na, ang biggest fear ko sana ‘wag kami magkasakit, ‘yun lang ang lagi ko pinagpi-pray, parang ‘sige wag na lang magbukas ang mga comedy bar, basta wag lang kami magkasakit,’” pahayag ni Ethel.
Ayon pa sa singer, napatunayan niyang iba talaga ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak mula nang dumating sa kanila si Baby Michaela.
“Yung magmahal pa nang higit pa sa sarili ko. ‘Yun ang na discover na parang na amaze ako sa sarili ko, na.
“Parang grabe nagawa ko to ‘yung magtiyaga, ‘yung mag-sacrifice kasi mahal na mahal mo ‘yung kaya mong gawin lahat. Ganu’n ‘yun ang na discover ko talaga,” lahad pa ni Ethel.
“Lagi kong sinasabi sa kanya na mahal na mahal ko siya, ako kasi bihira ako magsabi nang ganu’n, pero sa kanya palagi yun.
“Mahal na mahal ko siya masasabi mo pala talaga pag may anak kana talaga. Kaya mong ibigay ang buhay mo sa kanya kaya sa kanya na lang umiikot ang mundo ko ngayon,” dagdag pang pahayag ng komedyana.
Samantala, ipinagdarasal din ni Ethel ang lahat ng mga kapwa niya komedyante na nawalan ng trabaho matapos tuluyang magsara ang mga comedy bar.
“Siyempre ‘yun din ang worry ko, nagwo-worry ako na ‘ano kaya?’ Natutulala na nga lang ako, e, na parang gusto mo umiyak, parang ano na kaya ang mangyayari, ano na kaya ang future. Lalo na kami,” naluluhang sabi ni Ethel.
“Nagsara na nga ‘yung mga bar, wala talaga akong idea kung ano ang mangyayari. Kaya dasal lang talaga at patuloy na kumapit at maniwalang matatapos din lahat ng ito,” positibo pang sabi ni Ethel Booba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.