Basher sinunog ni Angelica: ‘Masama bang dumakdak? Tara magdakdakan tayo!’
ILANG araw nanahimik si Angelica Panganiban matapos maglabas ng desisyon ang Kongreso sa franchise application ng ABS-CBN.
Magkakahalong emosyon daw ang naramdaman niya nang malamang tuluyan nang ipinasara ng mga kongresista ang kanyang mother network.
Sunud-sunod ang tweet ng Kapamilya actress kahapon tungkol sa mapait na sinapit ng ABS-CBN kasabay ng paliwanag kung bakit ngayon lang siya nagsalita sa hindi na pagbibigay ng bagong prangkisa sa Kapamilya network.
“Nanahimik dahil hindi kayang buuin ng salita ang nararamdaman ko. Galit, takot, pangangamba.
“Ilang buwan nang nag iisip paano na ang kasamahan namin sa trabaho.
“Ang pamilya nila. At dumating na ang araw na napakahirap tanggapin,” simulang pahayag ni Angelica.
Nagpahayag ang ABS-CBN na magtatanggal ito ng mga empleyado simula sa August 31.
Dagdag pa niya, “Tratuhin niyo naman kaming mga tao. Kaming lahat na nawalan ng trabaho. Nawalan ng tahanan.
“Paano niyo kayang sikmurain na pag tawanan ang kapwa ninyo Pilipino na nawalan ng kabuhayan?
“Pilipino sa kapwa Pilipino na ang naglalaban laban. Tama pa ba yon?” lahad pa ng dalaga.
Ito naman ang tila pangungunsensya niya sa mga kongresista, “Serbisyo para sa bayan ang dapat na inuuna ng mambabatas natin. Sa ginawa nila, sarili nila ang inuna nila.”
Patuloy pa niya, “Sa totoo lang, hindi po namin responsibilidad ang mga empleyado na nawalan ng trabaho.
“Pero nandito kami. Nagsasalita, para sa kanila. Bakit? Kasi siguro yun ang makatao.”
Sinagot din ng aktres ang mga taong nagpipiyesta pa sa pagsasara ng ABS-CBN at lantarang nagpahayag ng pagkampi sa mga mambabatas na kumontra sa pagbibigay ng prangkisa a network, “Hindi namin ikakamatay ang masasakit ninyong salita laban sa amin.
“Pero, ikakamatay ng marami sa kasamahan ko at ng mga pamilya nila ang gutom na mararanasan nila sa mga darating na araw.
“Tapos na ang panahon para matakot,” aniya pa.
Nag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN noong May 5. Noong July 10, ibinasura ng 70 mambabatas na kasapi ng House committee on legislative franchises ang aplikasyon ng network para sa panibagong prangkisa.
Samantala, isang netizen naman ang bumuwelta kay Angelica at nagkomento ng, “Kung makapagsalita kayo parang kayo lang ang mga nawalan ng trabaho hoy buong mundo maraming nawalan ng trabaho pero hindi nagdadakdak na tulad niyo!!!!”
Hindi ito pinalampas ni Angelica at sinagot siya ng, “Bat di po kayo magsalita? Bakit niyo piniling manahimik? Masama ba dumakdak? Tara. Magdakdakan tayo.”
“Magka iba ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
“Iba rin ang pinagtulungan para sa kani-kanilang pang sariling interes, kaya nawalan ng trabaho.”
“Naka kabit pa ba mga ulo niyo sa katawan niyo?” hirit pa ng tinaguriang Hugot Queen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.