Marcoleta ‘binuhay’ si FPJ sa ABS-CBN franchise hearing; wish ng LizQuen ligwak
MUKHANG walang epekto ang pagpapakumbaba at pagmamakaawa nina Liza Soberano at Enrique Gil kay House Deputy Speaker Rodante Marcoleta para mabigyan muli ng prangkisa ang ABS-CBN.
Inaabangan na ng madlang pipol ang magiging desisyon ng Kongreso sa franchise renewal ng Kapamilya Network anumang oras mula ngayon kaya naman todo-todo na ang dasal ng mga taga-ABS-CBN hinggil dito.
Sinagot ni Marcoleta ang naging pahayag ng Kapamilya couple patungkol sa prangkisa ng Dos kasabay ng pagpapasalamat sa mga ito sa magandang mensahe para sa kanila ng kanyang asawa na umaming isang LizQuen fan.
Sa huling franchise hearing sa Congress, ginamit pa ni Marcoleta sa kanyang presentation ang isang eksena sa classic film na “Kapag Puno Na Ang Salop” (1987) ng yumaong Action King na si Fernando Poe, Jr..
“Let me end with the popular movie clip from an onscreen and offscreen hero that had captured the hearts of millions of Filipinos.
“To sum up the comprehensive, impartial, and open proceedings implored by the Speaker of the House, Alan Peter Cayetano, in regard to the franchise application of ABS-CBN.
“Ang sabi nga po ni FPJ, Mr. Chair, kung uulitin ko lang ABS-CBN, puno na ang salop dapat ka nang kalusin,” ang pahayag ng kongresista.
Narito naman ang mensahe niya kina Enrique at Liza, “Naramdaman ko ang kanilang katapatan. Sana ganoon po ang ABS-CBN.
“Sa kanilang dalawa, alam ko na nauunawaan nila na ito po ay tawag lang ng tungkulin, at hinahangad ko ang higit na tagumpay para sa kanila sa mga darating na panahon,” ani Marcoleta na umamin ding kung minsan ay sinasamahan niya ang asawa na manood ng LizQuen series na “Make It With You”.
Ayon kay Enrique, “Gusto lang po sana naming magpasalamat sa inyo ni Mrs. Marcoleta po for supporting and watching Make It With You.”
Sey naman ni Liza, “Yes po, cute na cute po kami ni Quen dun sa ikinuwento niyo po na journey niyo na sinasamahan ninyo lagi siya at sinusuportahan niyo po siya sa panonood ng Make It With You, and we would really love to meet you and specially Mrs. Marcoleta soon.
“And gusto lang po sana naming kumatok sa puso ninyo na baka sakaling mabigyan n’yo ng chance ang ABS-CBN.”
“At sa lahat po ng mga congressman who think that ABS-CBN deserves a chance, maraming-maraming salamat po sa inyo,” hirit pa ni Enrique.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.