Operasyon ng 7 construction firms, maintenance provider ipinatigil sa paglabag sa health protocols
IPINATIGIL ng Quezon City government ang paggawa ng pitong construction companies at isang maintenance provider dahil sa paglabag sa health and safety protocols.
Ayon kay Department of Building Official (DBO) head Atty. Dale Perral mayroong empleyado na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 sa isa sa pitong construction firm.
Ang anim naman ay nakitaan ng paglabag sa Order No. 39 ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kaugnay ng safety guidelines sa pagbabalik trabaho.
Sasailalim ang mga empleyado ng kompanyang ito sa 14 na araw na quarantine at dapat matiyak na makasusunod na sa mga panuntunan bago payagan na makabalik sa paggawa.
“As soon as they are cleared, then there will be no problem. The QC government will allow resumption of their operations,” ani Perral.
Ipinasara naman ng Business Permits and Licensing Department (BPLD) ang isang maintenance service provider matapos magpositibo ang ilang empleyado nito sa COVID-19 test.
“We have also instructed the immediate decontamination of the establishment to stop the further spread of the virus,” ani BPLD head Margarita Santos.
Ayon kay Dr. Rolando Cruz, hepe ng Epidemiology and Surveillance Unit (ESU), ang mga nagpositibong empleyado ay dinala sa HOPE community-care facilities at ang mga posibleng nahawahan nila ay kailangang sumailalim sa quarantine.
“No one is allowed to leave the affected construction sites and establishments for 14 days. Representatives of DBO and ESU will visit to check on the status of the workplace and wellness of the affected employees,” ani Cruz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.