NANANAWAGAN si Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat sa National Irrigation Administration (NIA) na madaliin ang pagsasaayos ng patubig sa mga sakahan at iba pang sistemang pang-irigasyon sa bansa.
Ayon kay Cabatbat, maraming magsasaka ang nagrereklamo ukol sa mga apektadong imprastraktura gaya ng butas sa rubber gates ng Bustos dam at ang 500-metrong bitak-bitak at umangat na pader ng Superdivision Canal sa Rizal, Nueva Ecija.
“Buong Central Luzon ay namumroblema sa suplay ng tubig, at siguradong apektado ang pagtatanim ng bigas. Tuwing tag-ulan ang planting season ng palay, pero nagsimula na ang ulan ay hindi pa rin dumadating ang tubig galing sa programang irigasyon ng bansa,” aniya.
Umapela si Cabatbat sa NIA na ayusin ang mga problema sa lalong madaling panahon dahil “bawat araw na nasasayang dahil hindi makapagtanim ang ating mga magsasaka ay dagdag na bilang ng mga hindi makapagtrabaho at nagugutom sa mga panahong ito.”
Aniya pa: “Sa panahon ng krisis at pandemya, ang pagpapatibay sa lokal na prdoduksyon ng pagkain ang unang hakbang upang maiwasan ang pagkagutom ng ating mga kababayan.”
“Kung hindi ito mahahanapan ng agarang solusyon, tatawid ang epekto ng problema hindi lamang sa mga magsasaka kundi sa bawat pamilyang Pilipino na hinagupit ng paghihirap ng patung-patong na krisis nitong nakaraang mga buwan,” dagdag ng mambabatas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.