PSC OIC Ramon Fernandez panauhin sa TOPS Usapang Sports online forum
MAGBABALIK ang ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga matapos ang mahigit tatlong buwan na pahinga sanhi ng ipinatupad na community quarantine sa bansa dulot ng coronavirus (COVID-19) pandemic.
Magbibigay ng mahahalagang detalye hingil sa kasalukuyang sitwasyon ng Philippine sports si Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez sa kauna-unahang pagtatanghal ng TOPS sa online platform sa pamamagitan ng Zoom.
Itinalagang Officer-In-Charge ang dating PBA four-time MVP simula sa pagpasok ng buwan ng Hulyo bilang pansamantalang tagapangasiwa ng ahensiya matapos humingi ng bakasyon si PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Makakasama rin sa talakayan na magsisimula ganap na alas-10 ng umaga ang Philippine Taekwondo Team, sa pangunguna ni grassroots development program chief at Olympian Stephen Fernandez.
Ang ‘Usapang Sports’ ng TOPS ay itinataguyod ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at PSC. Inaanyayahan ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight ang lahat, higit ang mga miyembro na makiisa sa talakayan na pangungunahan bilang host ni sports broadcaster Ernest Leo Hernandez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.