Paglalaro ni Thirdy Ravena sa Japan aprub sa PBA pero…
WALANG nakikita na problema ang Philippine Basketball Association (PBA) sa desisyon ng amateur star na si Thirdy Ravena na maglaro bilang Asian import ng San-en NeoPhoenix sa Japanese BLeague subalit ito ay dedepende matapos ang dalawang taon.
Hindi lumahok sa nakaraang PBA Draft para tutukan ang paglalaro sa ibang bansa, personal na nakipagkita si Ravena kay PBA commissioner Willie Marcial noong isang taon para humingi ng pahintulot na maisakatuparan ang kanyang plano.
“I don’t have a problem with his move because he asked for our permission,” sabi ni Marcial. “He went to our office to personally inform me even before the draft deadline [last year]. But, ultimately, the board will decide on that.”
Gayunman ang hindi paglahok sa PBA draft matapos ang dalawang taon ay ibang usapan na ayon kay Marcial. At kung palalagpasin niya ang nasabing panahon kinakailangan niyang humingi ng pahintulot mula sa PBA kung may plano pa siyang maglaro sa kauna-unahang professional basketball league sa Asya.
Ang paglalaro ni Ravena sa BLeague ay magbibigay daan sa iba pang aspirante sa bansa na subukang makapaglaro sa Japan bagamat may PBA rule na nagsasabi na ang mga eligible players na hindi lalahok sa draft ng dalawang sunod na taon ay mapapatawan ng ban o suspension.
Ang San-en, na nakabase sa Shizuoka, ay kinuha si Ravena bilang unang Filipino import sa BLeague matapos papirmahin ang dating Ateneo Blue Eagles star ng one-season deal. Sabay na inanunsyo ng BLeague at San-en ang pagkuha kay Ravena nitong Miyerkules.
Bagamat hindi muna maglalaro sa PBA si Ravena, ang three-time Finals Most Valuable Player sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP), ay nagsabi na handa pa rin siyang maglaro sa national team kahit nasa BLeague na.
Sinabi pa ni Marcial na magiging masaya ang PBA para kay Ravena hanggat naaasikaso siya ng kanyang koponan sa Japan.
“His future is also our priority here in the PBA,” dagdag ni Marcial.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.