PWD IDs na ibinigay sa hindi kuwalipikadong indibidwal iniimbestigahan
PINAIIMBESTIGAHAN ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagbibigay umano ng Persons with Disability (PWD) identification cards ng nakaraang administrasyon sa mga hindi kuwalipikadong indibidwal.
Ginawa ni Belmonte ang hakbang matapos na mag-viral sa social media ang litrato ng PWD IDs ng anim na miyembro ng isang mayamang pamilya na hindi umano kuwalipikado sa ilalim ng An Act Expanding The Benefits And Privileges Of Persons With Disability (Republic Act No. 10754).
“Nakakaalarma ang pag-abusong ito sa batas na dapat ay pinakikinabangan ng mga PWD ngunit sinamantala ng ilang tiwali at nais makapanlamang sa kapwa,” ani Belmonte.
Sa pagsisiyasat ni City Attorney Nino Casimiro, ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) ang anim ay walang application form o record sa kanilang tanggapan.
May mga nagsasabi na binayaran ang bawat ID ng P2,000.
“Abuse by the rich and powerful at the expense of the handicapped and less fortunate will never be condoned or tolerated in this City,” dagdag pa ng alkalde.
Nais ni Belmonte na malaman kung sino ang nagbigay ng ID at ipinag-utos din nito ang audit ng lahat ng ID na ibinigay ng PDAO upang magtukoy kung mayroon pang nabigyan kahit hindi kuwalipikado.
Nanawagan din ang city government sa mga business establishment na makipagtulungan upang matukoy ang mga tao na gumagamit ng PWD IDs kahit hindi kuwalipikado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.