NAITALA ngayong araw sa Las Piñas City ang pinakamalaking bilang ng mga nakarekober sa nakamamatay na Covid-19.
Ayon kay Mayor Imelda Aguilar, umabot na sa 41 ang bilang ng mga gumaling na pasyente kaya mayroon nang kabuuang 275 recoveries ang siyudad.
“Tuluy-tuloy ang ating lokal na pamahalaan sa kanyang mga hakbang na tugunan ang mga Covid cases at mapigilan ang pagkalat ng virus sa lungsod,” ani Aguilar.
Ayon pa sa alkalde, ang mabilis na pagbuti ng lagay ng Covid patients ay dahil sa mga inilatag na health protocols ng Las Piñas city government, kabilang ang paglalagay ng mga converted isolation facilities kaya agad naihihiwalay ang mga nagpositibo at mga nagpakita ng sintomas ng sakit, binibigyan din sila ng masusutansyang pagkain, gamot, at wastong pangangalaga habang naka-quarantine, paglilipat sa tertiary hospitals kung may iba pang sakit ang pasyente at ang tuluy-tuloy na expanded targeted testing.
Sinabi naman ni City Health Office chief Dr. Ferdinand Eusebio na kabilang sa mga gumaling na pasyente ay mula sa mga barangay ng Almanza Uno, Almanza Dos, CAA, Daniel Fajardo, Manuyo Uno, Manuyo Dos, Pamplona Tres, Pilar, Elias Aldana, Pulanglupa Uno, Pulanglupa Dos, Talon Dos at Talon Kuwatro.
Ani Eusebio, naging malaking tulong ang mas pinaigting na screening at contact tracing sa mga residenteng posibleng nakasalamuha ng mga pasyenteng nagpositibo sa Covid-19 sa pagkontrol sa pagkalat ng virus.
Nagpasalamat naman ang alkalde sa pinatindi ring police visibility sa mga estratihikong lugar at sa 24-oras na pagpapatrolya ng mga pulis upang tiyaking nasusunod ng mga residente ang health protocols kabilang ang pagsusuot ng face mask, physical distancing at curfew hours mula sa 10 ng gabi hanggang 4 ng madaling araw.
Nasa 428 ang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa siyudad kung saan 275 ang gumaling, 33 ang nasawi, 120 ang active, 45 ang probable at 43 naman ang suspect.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.