Sinong makakalimot sa kaawa-awang sinapit ni Michelle Silvertino | Bandera

Sinong makakalimot sa kaawa-awang sinapit ni Michelle Silvertino

Atty. Rudolf Philip Jurado - June 22, 2020 - 07:03 PM

SA tulong ng kaniyang kaibigan na nag-post sa Facebook tungkol sa kanyang sinapit, nalaman ng madla na isa siyang ina na nagbakasakali sa Metro Manila para maitaguyod ang mga anak.

Sa kasamaang palad, siya ay namatay sa overpass (sa Pasay City) malapit sa terminal ng bus papuntang Bicol, ang kanyang probinsiyang uuwian.

Si Michelle ay nasawi maaari dahil sa COVID-19 o kaya dahil sa gutom at pagod sa kahihintay nang pagbiyahe ng bus para makauwi sa kanyang mga mahal sa buhay.

Nakalulungkot mang isipin pero hindi man lang niya nakapiling ang mga anak sa huling sandali ng kanyang buhay. At sa kanyang pagpanaw, hindi man lang siya naiburol dahil itinuring na suspected case ng Covid-19 ang kanyang sinapit.  Apat na anak ang kanyang naulila.

Kung ating iisipin, hindi iba ang kaso ni Michelle.  Gaya niya, tayong mga ordinaryong Pilipino ay nagbabakasakali rin sa buhay — yung maiangat ang antas at kalidad nito.

Ngunit papaano natin maiaangat ang buhay ng mga Pilipino kung ang ating lipunan ay walang accountability sa ganitong uri ng sitwasyon?

Pagkatapos mamatay si Michelle, kanya-kanyang turuan kung sino ba ang dapat sisihin. May nagsasabi na ang barangay daw ang dapat sisihin, meron din nagsabi na ang lokal na pamahalaan ng Pasay at meron naman na national government ang itinuturo.

Simpleng tanong lang: Ano ang ginagawa ni Michelle sa itaas ng overpass sa panahon ng GCQ sa Metro Manila? Hindi ba’t wala dapat siya doon dahil maaari siyang mahawaan at kung meron man siyang COVID-19 ay mataas ang tsansa na makapanghawa siya.

Hindi maikakaila na may kapabayaan at tila ito ay sa parte ng gobyerno.

Ang reyalidad na ito ay walang kabuluhan sapagkat kahit may maituturing natin na may kapabayaan, ang ating batas ay nakadisenyo na walang magiging pananagutan ang gobyerno kaugnay sa pagkamatay ni Michelle.

Ayon sa Constitution (Article 26, Section 3) ang estado ay hindi maaaring ihabla ng walang pahintulot nito (The State may not be sued without its consent). Ang ibig sabihin nito, maaaring ipagwalang-kibit ng gobyerno ang mga lehitimong reklamo ng danyos (damages) sa simpleng pagtawag lamang ng probisyon na ito ng Constitution.

Samakatuwid, pwedeng i-bully ng estado ang mga kagaya ni Michelle kung ito o ang kanyang mga naiwang mahal sa buhay ay nagbabalak na maghabla ng demandang danyos (damages suit) laban sa gobyerno.

Ang paliwanag dito ay walang karapatan ang sino man laban sa estado na siya ang pinagmulan ng mga karapatan. (There can be no legal right as against the authority that makes the law on which the right depends).

May mga pagkakataon naman na maaaring ihabla ang gobyerno. Isa rito ay kung ito ay magbibigay ng kanyang pahintulot kagaya na lamang ng nakasaad sa Act No. 3083 (An Act Defining the Conditions under which the Government of the Philippine Islands may be Sued). Ito ay nagsasabi na ang gobyerno ay pwedeng ihabla kung ito ay pumasok sa isang kontrata subalit maaari lamang itong gawin kung hindi inaktohan ng Commission on Audit ang claim laban sa gobyerno.

Pangalawa, maaari rin mahabla ang gobyerno sa pamamaraan ng tinatawag na counterclaim kung saan ang gobyerno ang nagsimulang magsampa ng kaso. Kung mananalo man dito ang pribadong indibidwal, hindi naman ibig sabihin na makakatanggap agad siya ng danyos (damages) sapagkat, kailangan pang dumaan sa Kamara at Senado ang talo ng gobyerno bago pa ito mabayaran ng gobyerno.

Subalit, ang kagaya ni Michelle na isang ordinaryong Pilipino ay sa kasamaang palad ay tila walang remedyo.

Kaya naman, dapat na rin sigurong repasuhin ng Kongreso ang batas ukol dito at panagutin ang gobyerno sa mga ganitong pagkakataon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Matapos mamatay si Michelle Silvertino, nagbigay naman ng mga financial assistance/support ang iba’t ibang sangay ng gobyerno, sa mga naulila nito.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending