Sharon handang ubusin ang kayamanan makamit lang ang hustisya | Bandera

Sharon handang ubusin ang kayamanan makamit lang ang hustisya

Cristy Fermin |June 22,2020
facebook
share this

Sharon handang ubusin ang kayamanan makamit lang ang hustisya

Cristy Fermin - June 22, 2020 - 11:50 AM

SHARON CUNETA

SUMAMBULAT na ang mahabang pisi ng pasensiya ni Sharon Cuneta! Dalawang ibon sa isang putok agad ang sinentruhan ng Megastar sa kanyang nagpupuyos na damdamin bilang pagtatanggol sa kanyang pamilya.

    Una ay sa bastos na lalaking si Sonny Alcos na nagsabing kung bata-bata pa lang ito ay tiyak na hahanapin niya si Frankie Pangilinan para gahasain.

    Humingi na ng tulong sa DOJ si Sharon para tuntunin ang tunay na pagkatao nitong si Sonny Alcos para kasuhan at turuan ng leksiyon. 

Nasa UK pala ngayon ang nambastos sa kanyang anak at binura na rin nito ang nagbabantang post tungkol kay Frankie.

    Ang ikalawang binigyan ng panahon ng Megastar para sagutin ang mga paninira sa kanya ay ang dati niyang publisistang si Ronald Carballo.

    Nagkamali ang reporter sa paulit-ulit na pagbira hindi lang kay Sharon kundi maging sa kanyang asawang senador at mga anak, ang akala ni Ronald ay pinalalampas lang ‘yun ni Sharon, pero kumpleto pala ng pruweba ang singer-actress ng mga paninirang inilalabas ni Ronald Carballo sa kanyang Facebook.

    Hindi pa tiyak kung saan hahantong ang galit ng Megastar pero sa kanyang mga pahayag ay sinabi niyang makikipag-ubusan siya ng naiipon para mabigyan ng hustisya ang mga paninirang inilalabas ni Ronald laban sa kanyang asawa at mga anak.

    Tinawag niyang walang utang na loob ang reporter, mapag-imbento ng mga istorya kahit nu’ng magkatrabaho pa sila, hindi naging ugali ni Sharon ang manumbat pero naliligo ngayon sa pangungunsensiya ang reporter sa mga inilabas na kuwento ng taong palagi nitong sinasaktan na idinadaan pa sa mga blind items.

    Ewan kung paano sasalagin ngayon ni Ronald Carballo ang mga inilabas na rebelasyon ni Sharon Cuneta na kumpleto sa mga ebidensiya at hindi basta laway-laway lang.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending