UMAPELA ng malasakit kay Pangulong Duterte ang mga pork producers sa bansa sa kabila ng plano ng pamahalaan na mag-angkat ng mga karne para matugunan ang kakulangan sa suplay at sa pagtaas ng presyo nito sa merkado.
Ginawa ni dating Rep. Nicanor Briones, na ngayon ay vice president for Luzon ng Pork Producers Federation of the Philippines at pangulo ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines ang apela kasunod ng pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque na isa sa mga solusyon sa pagtaas ng presyo ng baboy ay importasyon.
Ani Briones, base sa naging karanasan ng sektor ng agrikultura, ang importasyon ay hindi kailanman naging solusyon at sa halip ay dagdag problema pa para sa mga magbababoy at mga magmamanok na nalulugi ng bilyong piso dahil sa pagbaha ng mga imported na karne sa merkado.
Hiling din ng grupo ni Briones sa Pangulo na maglagay ng kalihim sa Department of Agriculture (DA) na may totoong malasakit sa mga magsasakang Pilipino.
Aniya, mula Setyembre 2019 hanggang Mayo 2020 ay umaabot sa P45 bilyon ang halaga ng nalugi sa mga magbababoy matapos na bumagsak ang presyo ng farm-gate price nito at nawalan sila ng average na P50 kada kilo o P5,000 kada ulo ng baboy dahil na rin sa pamiminsala ng African Swine Fever (ASF), na mula sa imported na karne at mga ibang produkto nito.
Idinagdag niya na kahit nakiusap ang mga magbababoy sa DA na bawasan ang importasyon ng karne ng baboy ay lalo pang pinalaki ang angkat na nagresulta upang halos 60 porsyento ng backyard farmers at 30 porsyento ng commercial farms ay nagbawas ng alaga at nagsara dahil hindi na kinaya ang problemang dulot ng ASF.
Giit ni Briones na ngayong tumataas ang presyo ng baboy dahil sa kakulangan ng suplay sa buong mundo sanhi ng ASF, dapat mabigyan ng pagkakataong makabangong muli ang mga magbababoy at makapag-alaga ang mga backyard raisers, gayundin ang mga nagsara at nagbawas na commercial farms.
Aniya pa, sobrang importasyon din ang dahilan ng matinding problema ng mga magmamanok at mga nagtatanim ng palay, gulay, sibuyas, mga mangingisda, magkokopra, at mag-aasukal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.