Pagtawag ng ‘supot’ nauwi sa pamamaril: 3 sugatan
TATLO katao ang sugatan nang mauwi sa pamamaril ang pagtawag ng isang lalaki ng “supot” sa isang grupo ng mga nag-iinuman, sa Santol, La Union, kagabi.
Itinakbo sa pagamutan sina Aljon Oribio, 24; Harry Sabado, 17; at Jayson Sabado, 20, dahil sa mga tama ng bala, ayon sa ulat ng Ilocos regional police.
Naganap ang insidente sa Brgy. Corro-oy, dakong alas-9.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-iinuman sina Oribio sa bahay ni Ricardo Sabado, nang biglang dumaan ang isang Mac Joel Obedoza at tinawag na “supot,” o hindi tuli, ang isa sa kanila.
Nauwi ito sa pagtatalo, hanggang sa umuwi si Obedoza.
Pero maakaraan lang ang ilang minuto ay bumalik siya sa mga nag-iinuman, at biglang pinaputukan ang mga ito gamit ang maigsing baril, ayon sa pulisya.
Tinamaan si Oribio sa kaliwang braso, habang sina Harry at Jayson Sabado ay nagtamo ng tama ng bala sa katawan.
Nagpapagaling ngayon ang mga biktima sa Balaoan District Hospital.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.