Mayweather, Abdul Jabbar suportado ang laban ng mga Black American sa US
DAHIL sa hindi makatarungang panunuhod sa leeg ng isang Puting police officer sa African-American na si George Flloyd na kanyang ikinamatay ay bumuhos ang protesta sa halos lahat ng siyudad sa Amerika.
Racial injustice at police brutality ang sigaw ng mga nagpoprotestang Itim, nahaluan na rin ng politika ang kanilang pag-aaklas, dahil sa mga pinakakawalang pahayag ng kanilang tagapamuno na si President Donald Trump.
Grabe na ang nagaganap na protesta sa iba-ibang lugar sa Amerika, nasa ikalabingtatlong araw na ngayon ang mga rally, sa kasagsagan ng COVID-19 pa sumabay ang mga ganitong aksiyon.
Problemado na nga ang Amerika dahil sila ang may hawak ngayon ng pinakamalaking bilang ng mga apektado ng corona virus, mahigit na isandaang libong mamamayan na nila ang pumapanaw, pagkatapos ay heto pa ang mga protestang sinasamahan nang libu-libong mamamayan.
At marami nang nakikilahok na mga sikat na personalidad na Black American, ang kampeong boksingerong si Floyd Mayweather ang sumagot sa burol at paglilibing kay Geroge Floyd, bokal naman sa pagbibigay ng pahayag ang basketball legend na si Kareem Abdul Jabbar.
Ilang siglo na nga namang nagiging problema ng mga Black American ang racial discrimination, sila ang palaging tinatanggal sa trabaho, pero iba ang naging resulta ng police brutality at injustice na naranasan ng kanilang kalahi ngayon.
Ayon sa basketball legend ay isang race lang ang kinabibilangan ng lahat ng tao sa buong mundo, ‘yun ang human race, na kailangang respetuhin nang walang pag-aalinlangan sa edad, kasarian, lalung-lalo na sa kulay ng balat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.