Food and grocery delivery rider bigyan ng proteksyon vs prankster, order cancellation
INIHAIN sa Kamara de Representantes ang panukala na proteksyunan ang mga food at grocery delivery riders laban sa mga prankster at mga tao na basta na lamang nagkakansela ng order.
Sinabi ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr., na hindi maitatanggi na maraming rider na nabiktima na ng pekeng order o kustomer na ikakansela ang order kapag nabili na ito ng rider.
“Sa panahon ngayon, napakahalaga ng mga riders na nais nating proteksyunan,” ani Garbin. “Sila ay masasabing mga bagong bayani sapagkat sila ay nakikipag sapalaran upang matulungan tayo na manatili sa tahanan at maiwasan ang COVID virus.”
Sa ilalim ng panukala, magiging mandatory ang pagbibigay ng valid identification card at billing address ng isang tao na nagparehistro sa isang delivery app.
Ipagbabawal ang pagkansela sa isang order na pagkain o grocery kung nabili na ito ng rider.
Papayagan naman na kanselahin ang order kung binayaran na ito ng kustomer o kung made-delay ng mahigit isang oras ang delivery.
Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng anim hanggang 12 taon at multang P100,000 bukod pa sa ibabalik nito ng doble ang halaga na binayaran ng rider.
Kung ipapahiya ng kustomer nag rider sa anumang paraan, ito ay may kaparusahang anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong.
Bilang dagdag na proteksyon, ang ginastos ng rider ay ire-reimburse ng kompanya sa loob ng 24 oras. Ang kompanya ang magpopursige na mabawi ang ginastos nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.