ARESTADO ang isang miyembro ng Drug Enforcement Unit ng Pasig City Police nang mahuling gumagamit ng motorsiklo na nakumpiska sa isang drug suspect.
Naaresto si Cpl. Esteven Mark Pandi kahapon, ayon kay Brig. Gen. Ronald Lee, direktor ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG).
Isinagawa ng mga tauhan ng Special Action Force, Highway Patrol Group, at National Capital Region Police Office ang operasyon gamit ang intelligence information mula sa IMEG.
Dinampot si Pandi nang maaktuhang ginagamit ang motor na nakumpiska sa isang operasyon kontra droga sa Pasig noong nakaraang Oktubre, ani Lee.
Bukod dito, may angkas pa si Pandi kaya nilabag niya ang panuntunan sa General Community Quarantine, ayon sa IMEG chief.
Kinumpiska kay Pandi ang motor, pati ang dala niyang kalibre-.9mm pistola na may kasamang dalawang magazine at 20 bala, at isang kalibre-.45 pistola na may isang magazine at anim na bala, pero walang kaukulang dokumento.
Nasa kostudiya na ng IMEG si Pandi para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.