Dual citizen pwede bang mag may-ari ng mass media?
PWEDE bang mag may-ari ng mass media ang isang dual citizen?
Ito ang tanong ng mga kongresista matapos na gisahin si ABS-CBN chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III sa joint hearing ng House committees on legislative franchise at on good government and public accountability.
Sa pagdinig ay humarap si Lopez sa pamamagitan ng Zoom app, at sinabi na siya ay isang Filipino dahil mga Filipino ang kanyang mga magulang. Pero inamin din niya na siya ay otomatikong naging Amerikano dahil ipinanganak siya sa Amerika.
Sinabi rin ni Lopez na siya ay gumagamit ng Philippine at American passport.
Sa ilalim ng Article XVI, Section 11 ng 1987 Constitution: “the ownership and management of mass media shall be limited to citizens of the Philippines, or to corporations, cooperatives or associations, wholly-owned and managed by such citizens.”
Tanong ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin maaari bang mag-may-ari ng mass media company ang isang dual citizen?
“Undeniably, Gabby Lopez is a natural-born [Filipino] citizen, but he is also an American citizen by virtue of ju soli applied in the American law. Ang tanong po is whether a dual citizen can own a mass media company?” ani Garbin.
Ang jus soli ay ang prinsipyo na ang citizenship ng isang tao ay kung saan siya ipinanganak.
Si Lopez ay ipinanganak sa Amerika noong 1952.
Punto naman ni Anakalusugan Rep. Michael Defensor ang pagiging dual citizen ni Lopez ay naglalagay ng kuwestyon sa kanyang katapatan sa Pilipinas.
“Kung kami po nire-require ang barangay captain at kagawad, isa lang (ang citizenship), Filipino ka lang, what more for a mass media company na ang pag-iisip ng bawat Pilipino ang pwede mong kontrolin, na ang kultura ng ating bansa ay meron kang kinalaman, na ang impormasyon na lumalabas ay pwede kang makialam,” ani Defensor.
Nag-renew ng US passport si Lopez noong 1996.
Inilabas naman sa pagdinig ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang “alien fingerprint card” ni Lopez na kanyang pinunan sa isa sa kanyang mga biyahe sa Amerika.
Iginiit ni Marcoleta na sa ilalim ng Konstitusyon ang mga Filipino lang ang pinapayagang magmay-ari ng mass media.
“We will have a problem processing that particular issue kasi ang sinasabi lamang doon ay tanging Pilipino lamang. Paano po natin isasangkot ang kanyang pagiging American citizen within the meaning of that constitutional provision?” tanong ni Marcoleta.
“Ang problema po dito ay ang Saligang Batas, matibay ang kanyang paninindigan na Pilipino lamang at pati nga po korporasyon, kooperatiba at asosasyon na magmamay-ari nito (mass media) at mamamahala nito ay kinakailangang wholly owned and managed by such citizens.”
Giit naman ni Lopez tignan ang kanyang mga ginawa para sa bansa.
“I have been committed to the people of this country. It is a trust that has been passed on to me by my father and by his father before him. It is the trust that has been given to me and in fact, I always tell our employees dito sa ABS-CBN po, it’s not just a job, it is a calling,” ani Lopez.
“So please if you are going to look beyond the technicality and talk about allegiance, please look at my record over the last 35 years po,” dagdag pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.