Terorismo sa Mindanao lalakas pag Marawi pinabayaan
NAGPAHAYAG ng pangamba si House Deputy Speaker Mujiv Hataman na umusbong ang bagong henerasyon ng mga terorista sa Mindanao dahil sa mabagal na rehabilitasyon ng Marawi.
Sa isang privilege speech, sinabi ni Hataman na tatlong taon mula ang Marawi siege ay hindi pa rin naibabalik sa normal ang pamumuhay roon kaya hindi imposible na mayroong mga magsamantala at manghikayat na magrebelde.
“Gaano katagal pa bago maimpluwensiyahan ng mga recruiter at violent extremist ang isa na namang henerasyon ng mga Moro na inetsa-puwera at kinalimutan ng mga makapangyarihan? Gaano katagal pa bago ang damdamin ng mga bakwit, lalo na ng kabataan, ay magpalit-anyo, mula sa lungkot at hinagpis, tungo sa galit?” ani Hataman.
“Huwag na nating hayaang lumikha ng mga bagong hapdi sa kamalayan ang nangyari sa Marawi. Gawin nating kuwento ng malasakit at pakikiisa ang Marawi, sa halip na kuwento ng pagpapabaya. Let us douse the embers of Marawi with the waters of compassion and resolve. Otherwise, we will only have ourselves to blame if the flames of conflict rise again.”
Ayon kay Hataman “Hindi either-or” ang paharap sa problema ng coronavirus pandemic at ang rehabilitasyon ng Marawi dahil pareho itong dapat na tugunan.
“Sa totoo lang, magkarugtong ito, and the rehabilitation of Marawi has become even more imperative due to the dangers of COVID-19.”
Hanggang ngayon ay nasa 17,000 katao pa umano ang nagsisiksikan sa mga temporary shelter kaya nakakatakot kung makarating dito ang COVID-19.
“Kahit anong anggulong tingnan, actionable negligence nang maituturing ito, Mr. Speaker. Ang task ng Task Force Bangon Marawi ay ibangon ang Marawi. Alam nating malaki ang trabaho; alam nating maraming kumplikasyon. Pero kung sa loob ng tatlong taon ay hindi man lang tayo nakakita ng resonableng pagsulong sa kanilang nag-iisang misyon, kung sa loob ng tatlong taon ay hindi pa man lang nila natutuhan ang simpleng proseso ng maayos na koordinasyon, baka dapat malinaw na sa ating hindi silang dapat ilagay sa kanilang posisyon. Panahon na siguro para balasahin, o di kaya’y, palitan ang pamunuan ng TFBM.”
Nanawagan din si Hataman sa Kongreso na ipasa ang mga panukala na makatutulong sa Marawi.
“Gawin natin ito bilang pagkilala at lunas sa maraming sugat na tinamo ng Moro sa kasaysayan ng ating bansa. Even more importantly: Let us move swiftly, as an act of self-preservation. Dahil sa panahon ng COVID-19, ang pagdurusa sa Marawi ay maaaring maging mitsa ng pagdurusa nating lahat.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.