Chito, Neri kanya-kanya sa pera: Tanong nila, ‘Bakit, e, kasal kayo, conjugal dapat?’
BAHAGI na ng kultura ng mga Filipino lalo na sa mga pamilyadong tao na si misis ang humahawak ng pera at nagba-budget ng mga gastusin sa bahay.
Pero iba ang sistema sa pagsasama nina Neri Naig at Chito Miranda. Inamin ng mag-asawa na medyo lumihis sila nang kaunti sa nakasanayan na ng mga Pinoy pagdating sa usaping pera.
Humarap sa madlang pipol kamakailan sina Chito at Neri sa pamamagitan ng livestream session (Facebook at Instagram) kung saan napag-usapan nga nila ang tungkol sa paghawak ng kanilang mga kinikita.
Paliwanag ni Chito, “May money si Neri, may money ako. We have separate bank accounts.
“Maraming nagtatanong, ‘Bakit ganoon, e, kasal kayo? Conjugal property dapat ang mga ganyan.’ Which is, oo, totoo,” aniya pa.
“Gusto ko lang i-discuss na ang nakasanayan kasi sa Pinas, lalake magtatrabaho, tama? Tapos ibibigay ang pera sa babae.
“‘Tapos babae iyong magba-budget. Siya iyong may hawak sa pera, ganoon, which is okay iyan. Okay talaga iyan. Tradition iyan.
“Pero dati kasi, tingin ko kaya ganoon ang nakasanayan natin, kaya ng economy natin na lalake lang ang magtatrabaho, tapos buhayin niya pamilya niya,” patuloy pang pahayag ng Parokya Ni Edgar frontman.
Ipinagdiinan pa ng OPM artist na mas marami na ngayong misis ang nagtatrabaho, “Aside from the fact that some of them need to work, some of them kahit hindi nila kailangan, they’d rather work. Tama?
“So now, people earn na their own money. Minsan, ang ginagawa nila, hati-hati sila. Ganito ngayon sa amin, just so you know.”
Diin pa niya, “Ako, as I said, know your roles. Ako, ang role ko sa family, gusto ko provider ako.
“Everything that I earn is also for the family. Kumbaga, gusto ko anything about Miggy (anak nila ni Neri), food, utilities—basta everything about sa bahay—gusto ko, sagot ko,” paliwanag pa ni Chito.
Para naman kay Neri, “Why not si Chito (humawak ng pera), e, marunong siya maghawak ng pera?
“Sa mga tao na hindi nakakaalam, si Chito talaga ay magaling mag-handle ng money. Magaling siya mag-ipon.
“Marunong siya mag-handle ng money and sa kanya ako natututo,” sey pa ng aktres na may sarili ring kita mula sa kanyang business.
Hirit pa ni Chito, “Si Neri, kumikita siya on her own naman. Siya bahala sa pera niya.
“Kapag may kailangan siya na hindi naman talaga kailangan sa bahay, not naman luho.
“Pero kunwari gardening o kunwari gusto niya bigyan si Miggy ng mga pang painting na sobrang mamahalin, na sabi ko hindi pa naman kailangan ganyan ang mga gamit niya, wala ako masasabi kasi it’s her money,” chika pa ng singer.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.