2 pang lugar sa QC isasailalim sa special concern lockdown
DINAGDAGAN ng Quezon City government ng dalawa ang mga lugar na isasailallim sa special concern lockdown (SCL) upang maiwasan umano ang pagkalat ng coronavirus disease 2019.
Sa isang sulat kay Department of the Interior and Local Government-National Capital Region (DILG-NCR) Regional Director Maria Lourdes Agustin, sinabi ni Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo na kailangang isailalim sa SCL ang Certeza Compound sa Brgy. Culiat at Alley 2 Homart Road sa Brgy. Baesa.
Bagamat iisa lamang umano ang kumpirmadong kaso sa Certeza Cmpd., masyado umanong malaki ang populasyon nito kaya inirekomenda itong isailalim sa SCL ng QC Health Department (QCHD) bukod pa sa paghiling rito ng liderato ng Brgy. Culiat.
“Its 44 families cramped in a 70-square meter compound, makes Certeza in great risk of community transmission,” ani Kimpo.
Magsasagawa ang QC Health Department ng rapid testing sa 200 katao at random rapid testing sa 450 pamilya sa lugar.
Ganito rin ang sitwasyon sa Alley 2 Homart Road kung saan may siyam na kumpirmadong kaso ng COVID-19.
“An estimated 156 families, comprising of 500 individuals, will undergo rapid testing to help determine the spread of COVID-19 in the area,” ani QC-ESU head Dr. Rolly Cruz.
Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan na palawigin ang lockdown sa 11 lugar sa QC.
Ang mga lugar na ito ay Sitio Militar sa Brgy. Bahay Toro; Vargas Compound-Adelfa Metro Heights-Abanay at Ancop Canada sa Brgy. Culiat; Lower Gulod sa Brgy. Sauyo; 318 Dakila St., 2nd Alley Kalayaan B at Masbate St. sa Brgy. Batasan Hills; at Victory Avenue, ROTC Hunters, BMA Avenue at Agno St. sa Brgy. Tatalon.
Nagsagawa ng rapid testing ang QC-ESU sa limang barangay. Sa 1,419 tinest, 78 ang nagpositibo sa IgM at IgG, anim ang nagpositibo sa IgM at 11 ang nag-negatibo subalit symptomatic.
Ang mga nagpositibo at symptomatic ay otomatikong sasailalim sa PCR test.
Nanawagan si Mayor Joy Belmonte ng kooperasyon sa mga isasarang lugar.
“Muli po nating hinihingi ang kooperasyon ng lahat sa hangarin nating pigilan ang pagkalat ng virus sa ating lugar. Huwag po nating isaalang-alang ang ating kalusugan at kaligtasan,” ani Belmonte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.