134 opisyal ng barangay inireklamo sa anomalya sa pamamahagi ng SAP
UMABOT na sa 134 opisyal ng barangay ang sinampahan ng reklamo sa Department of Justice dahil sa iba’t ibang anomalya umano sa pamamahagi ng Social Amelioration Program.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año mayroon pang siyam na kasong isasampa ng Criminal Investigation and Detection Group sa mga susunod na araw at may case build up pa itong ginagawa sa 86 na iba pa.
“Hindi ninyo matatakasan ang mga panlolokong ginawa ninyo sa pamimigay ng ayuda. Sinira ninyo ang tiwala ng gobyerno at ng inyong mga kabarangay kaya sa kalaunan, sa kulungan ang bagsak ninyo,” ani Año.
Sinabi ng kalihim na 318 reklamo ang natanggap ng CIDG kaugnay ng mga anomalyang ginawa ng mga opisyal ng barangay kaugnay ng emergency subsidy distribution.
Isang kapitan, dalawang kagawad at isang chairperson ng Sangguniang Kabataan sa Boac, Mrinduque ang kabilang sa mga kinasuhan dahil iligal umanong paniningil ng P50 processing fee sa mga SAP beneficiaries.
Sa Binmaley, Pangasinan ay mayroon umanong kapitan at kanyang kasabwat ang naningil ng P1,000 sa benepisyaryo ng SAP.
May kapitan naman umano sa Sta. Maria, Ilocos Sur na binawasan ng P2,000 ang matatanggap ng 132 SAP beneficiaries.
Isinama naman umano ng kapitan sa Sta. Maria, Ilocos Sur, Talisay City, at Nasipit, Agusan del Norte ang pangalan ng kanilang mga kamag-anak sa listahan kahit hindi kuwalipikado ang mga ito.
May nagreklamo naman umanong kapitan sa Eastern Samar matapos na walang makatanggap ng SAP ang kanyang mga kabarangay dahil hindi siya kaalyado ng alkalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.