Quiboloy kay Vice: Natupad lahat ng hamon mo...bakit ka umiiyak?  | Bandera

Quiboloy kay Vice: Natupad lahat ng hamon mo…bakit ka umiiyak? 

- May 25, 2020 - 09:38 AM

Quiboloy-Vice

IPINAMUKHA ng kontrobersyal na si Pastor Apollo Quiboloy sa TV host-comedian na si Vice Ganda ang lahat ng hamon at panghihiya nito sa kanya noon.

Binalikan ng religious leader ang pinagsasabi ng komedyante kasabay ng pang-iinsulto raw sa kanya on national TV habang nagtatawanan ang kanyang mga kasamahan sa It’s Showtime.

Ginawa kasing joke ng TV host at tinawag na kayabangan ang sinabi ng pastor na ipinahinto niya ang malakas na lindol sa North Cotabato noong Oct. 31, 2019. 

Kaya ang hamon niya kay Quiboloy pahintuin din nito ang traffic sa EDSA at ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin.

Nang magsimula ang lockdown sa bansa, nawala nga ang traffic sa EDSA at nitong nakaraang May 5, 2020 hindi na napanood ang serye ni Coco na Ang Probinsyano dahil pinatigil nga ang operasyon ng ABS-CBN sa bisa ng cease and desist order mula sa National Telecommunications Commission.

Kaya naman ito ang ginamit ng founder at leader ng Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name para balikan ang mga pinagsasabi ni Vice laban sa kanya sa pamamagitan ng programa niya sa Sonshine Media International Network.

May nagtanong sa pastor kung ano ang masasabi niya ngayon sa mga sinabi noon sa kanya ng komedyante na tila nagkatotoo lahat.

Tugon ni Quiboloy, “Nalulungkot ka, Vice, nalulungkot ka sapagkat hindi mo mapigilang umiyak dahil wala na yung mga programa niyo?

“Alalahanin mo, naghamon ka, hinamon mo ako noon. Ang saya-saya niyo noon. Naghahalakhakan kayo.

“Meron pang isang kasamahan mo na lalaki, pati ngala-ngala niya, nakita ko sa katatawa, e. Halos mabali ang leeg niya.”

Diin pa ng milyonaryong pastor, “Iyan ang sinabi ko sa inyo, ang kayabangan, nakikita ng Diyos ‘yan. Kapag binigyan kayo ng pabor sa buhay, huwag kayong ganoon.

“O ngayon, nakita mo na, may Diyos sa langit, tapos nakita mo na Siya ang tumitimbang sa lahat ng mga tao dito sa lupa kung ano ang ginagawa nila. Hustisya ang Diyos, Vice Ganda, hustisya.

“Siguro sa iba, naloloko mo, niloloko mo, pinagtatawanan mo, e, wala naman kinalaman sa Diyos sila. Nakakaligtas ka doon, pero binibilang din ng Diyos ‘yon. Pang-aapi ‘yon.

“Pagkatapos isinama mo pa ako. Ngayon, napatunayan mo na meron akong Diyos na nagpadala sa akin,” aniya pa.

Dugtong pa niya, “Kasi yung lahat ng pinagsasabi mo, puro imposible. ‘Sige nga, Quiboloy, punta ka sa EDSA, pahintuin mo ang traffic. Sige nga, Quiboloy, pahintuin mo ang Probinsyano. Abangan…si Quiboloy lang ang makakapagpahinto sa Probinsyano.'”

“Nag-prophesize ka, Vice. O ngayon, wala na yung programa mo, wala na yung network mo. Malinis na ang EDSA. Dapat masaya ka sapagkat natupad ang lahat ng hamon na ginawa mo.”

Punto pa niya kay Vice, “l di ba? Ako ang nagso-showtime. Pero tingnan mo, sa kinamalasan na tinanggap mo, hindi ako tumatawa.”

Hirit pa ng pastor, “Ngayon, naniniwala ka na, karma is real. O, bumalik sa ‘yo, di ba, at ngayon, umiiyak ka. O, bakit hindi kayo humahalakhak?”

“Bakit ka umiiyak ngayon at nalulungkot? Tanungin mo ang sarili mo. Yun ang dahilan, Vice, yun ang dahilan para patotohanan lang ng Diyos sa ‘yo, si Pastor Apollo Quiboloy ay hindi pumunta rito sa kanyang sarili lang. Lesson ‘yan. I hope that you learned your lesson,” diin pa niya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Bukas ang pahinang ito sa magiging reaksiyon ni Vice Ganda sa mga naging pahayag ni Quiboloy. 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending