MATAPOS ang ilang buwang lockdown na nagsimula noong Marso 15, 2020, ngayong Mayo, nagsimula nang makatanggap ang mga residente ng kanilang buwanang bill ng Meralco.
Halos lahat ng customer ng Meralco ang umaalma dahil sa sobrang taas ng kani-kanilang babayarang singil sa kuryente.
Dahil sa kaliwa’t kanang reklamo ng mga residente sa kanilang natanggap na bill, hiniling mismo ni Senator Grace Poe sa Manila Electric Company na ipatigil muna ang pagbabayad ng kuryente hangga’t hindi nareresolba ang isyu kung bakit ganon na lang na napakataas ng bill ng kuryente.
Si Poe ang chairman ng Senate committee on public services kaya hindi na tayo nagtataka na siya ang una sa nangangalampag sa Meralco na aksyunan muna nito ang mga reklamo bago tumanggap ng bayad mula sa kanilang mga customer.
Iginiit ni Poe na dapat ay maglabas muna ang Meralco ng pinal at tamang bill ng kuryente na base sa aktuwal na meter reading ng kilowatt-hour na konsumo.
Nauna na kasing sinabi ng Meralco na ibabase ang bill ng kuryente sa average consumption ng isang kostumer dahil nga hindi nila nagawa ang meter reading nitong mga nakaraang mga linggo dahil sa pinaiiral na enhanced community quarantine bunsod ng banta ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
“Until such accurately updated bill indicating exact staggered due is received by customers, it is proper that they hold off payment,” ang mariing sinabi ni Poe sa panayam sa kanya kamakailan.
Natural na itanggi ng Meralco na nag-overcharge sila. Ang iginigiit ngayon ng Meralco kung bakit daw mataas ang bill ng isang customer ay kasi nga mataas ang pagkonsumo nila dahil sa lockdown na ipinaiiral bukod pa sa sobrang init ng panahon.
Ayon pa sa Meralco, ibinase ang bill sa buwan ng Marso at Abril sa arawang konsumo ng mga konsumer mula Disyembre, 2019, Enero 2020, at Pebrero, 2020.
Pero pang-unawa ang hinihiling ng senadora sa Meralco. Bagamat nauunawaan niya ang paliwanag ng Meralco, makabubuting unawain din sana ng Meralco na ang sobrang taas nang sinisingil nila sa kanilang customer ay nagdudulot ng karagdagang alalahanin, lalo na sa mga nawalan ng pagkakakitaan dahil nga sa lockdown.
Hindi na nga makapasok at marami ang wala nang pinagkakakitaan dahil sa pandemic na ito, problemado ang napakaraming mamamayan kung paano babayaran ang kanilang mga bayarin o utang, kabilang na ang bill sa kuryente.
Dapat tiyakin ng Meralco na habang inaayos nito ang mga reklamo ng mga kostumer ay wala ring mapuputulan ng kuryente dahil sa pagkabigong makabayad ng mga residente.
Ito rin ang posisyon ni Poe kung saan sinabi niya na dapat matiyak ng Meralco ang walang patid na suplay ng kuryente sa bawat bahay.
Nauna nang sinabi ng Meralco na papayagan ang mga kostumer na bayaran ang mga naipong bill ng kuryente nang hulugan sa loob ng apat na buwan.
Umaasa tayo na makikinig ang Meralco na antayin na lang ang pinal na gagawing meter reading bago maningil sa mga consumer. At pairalin naman sana ng Meralco ang puso nito at huwag puro pagkakakitaan lang ang iniintindi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.