Onyok sumulat kay Coco: Mas marami kaming nagmamahal sa ‘yo Kuya Cardo, I love you po!
SA gitna ng pamba-bash at pagkalat ng mga kanegahang kuwento tungkol kay Coco Martin, patuloy din ang pagtatanggol sa kanya ng mga kasamahan at kapamilya niya sa showbiz.
Isa na nga riyan ang child star na si Onyok Pineda na pinasikat at minahal ni Coco bilang anak-anakan.
Ilang taon ding nakasama ng Kapamilya actor ang bagets sa FPJ’s Ang Probinsyano at talagang nagbago ang takbo ng buhay ni Onyok nang dahil kay Coco.
Sa kanyang Instagram account, ipinost ng child star ang sulat niya para sa kanyang Kuya Cardo kung saan ipinahayag niya ang pagmamahal at pagsuporta sa aktor ngayong nasusuong ito sa kontrobersya.
Caption ni Onyok sa IG post niya, “Kuya Coco, maraming salamat po sa pag-aalaga n’yo sa ‘kin sa taping sa ‘Ang Probinsyano.’ Mas marami po kaming nagmamahal at sumusuporta sa ‘yo. May ginawa po akong sulat para sa ‘yo. Sana po mabasa mo po. God bless you always.”
Narito naman ang nilalaman ng sulat ng bagets para kay Coco: “Unang una po sa lahat nagpapasalamat ako kay Jesus dahil ginamit ka po niyang instrumento para makasama po ako sa ‘Ang Probinsyano.’
“At nagpapasalamat po ako sa iyo Kuya Cardo dahil hindi lang po artista ang turing mo sa akin, kung hindi parang tunay na anak mo na po ako.
“Naalala ko pa po tuwing birthday ko po ay binibigyan niyo po ako ng regalo. Pati na rin po pag-Pasko.
“Tapos lagi niyo po akong sinasama sa tent niyo po. Tapos kapag magkakasama po tayo sa van kapag baklas na po.
“Seryoso po, maraming salamat po sa lahat ng naitulong niyo po sa akin at sa pamilya ko po.
“‘Wag ka na pong malungkot, Kuya Coco. Mas marami po kaming nagmamahal at sumusuporta sa ‘yo. I love you, Kuya Coco! God bless — Xymon.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.