Si ex-mayor feeling mayor pa rin; misis na alkalde ‘display’ lang
ISANG dating mayor ang siyang namamahala ngayon sa loob ng kanilang syudad.
Siya ang na-uumastang alkalde sa kanilang lugar kahit na ang misis niya ang mayor sa kanilang lungsod na malapit lamang sa Metro Manila.
Sinabi ng aking cricket sa city hall na mula nang manalo si misis bilang alkalde ay tanging pamumuno lamang sa flag ceremony ang naging papel nito.
Maliban siyempre sa pagpirma sa mga dokumento na kailangan ang lagda ng lehitimong city mayor.
Nang pumutok ang balita ng pagkalat ng Covid-19 infection ay lalong nawala sa mga mata ng kanyang constituents si mayora.
Si mister naman na dating mayor ng lungsod ay biglang binigyan ng official duty bilang tagapagsalita kuno ng city government.
Sa lahat ng media interviews ay si mister ang humaharap samantalang no show naman si misis sa kanyang opisina.
Sinabi ng aking cricket na ito ang masamang halimbawa ng political dynasty lalo’t lumilitaw lamang na hanggang sa papel lang ang panunungkulan ni mayora.
Galing rin naman sa pamilya ng mga pulitiko si misis pero sa kanilang lugar ay di hamak na mas sikat ang pamilya ni mister.
Oo nga pala, sa kanilang lalawigan ay naglingkod na rin ang tatay at nanay ng dating mayor na bida sa ating kwento ngayong araw.
Silang tatlo lang ang nagpapalitan sa pamumuno ng kanilang kapitolyo.
Parehong sikat ang mga bida sa ating kwento ngayong araw.
Ang dating mayor na feeling mayor pa rin ay si Mr. J…as in Junior.
Si mayora naman na misis ni sir ay si Madam A….as in Anting-Anting.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.