Bakit hinding-hindi malilimutan ni Carlo ang sampal ni Vilma Santos?
HINDING-HINDI malilimutan ng award-winning actor na si Carlo Aquino ang pelikulang pinagsamahan nila noon ni Vilma Santos.
Ang tinutukoy niya ay ang blockbuster hit na “Bata, Bata… Pa’no Ka Ginawa?” na ipinalabas 22 years na ang nakararaan.
Ani Carlo, napakalaki ng pasasalamat niya kay Ate Vi dahil pumayag itong maging nanay niya sa nasabing movie na idinirek ni Chito Roño.
Sa bagong online show na “I Feel U” hosted by Toni Gonzaga and Luis Manzano, kung saan special guest si Ate Vi, nagsalita si Carlo na dream come true para sa kanya ang makasama sa pelikula ang Star For All Seasons at isang malaking karangalan ang gumanap na anak nito.
“Thankful ako siyempre sa pagtanggap niya sa akin na anak niya. Malaking malaking bagay iyon. Hindi siya nagdamot kahit isa na siyang Vilma Santos noon.
“Tinanggap niya ako, inalagaan niya kami ni Serena (Dalrymple, gumanap na kapatid niya sa pelikula) kaya sobrang thankful ako mommy na hanggang ngayon mahal mo ako,” pahayag pa ni Carlo.
Nang balikan ng binata ang isang iconic scene sa pelikula kung saan nag-dialogue siya ng “Akala mo lang wala, pero meron, meron, meron” ay kinailangan talaga siyang sampalin ni Ate Vi.
“Malakas, eh. Ha-hahaha! Naging adult ako bigla!” chika ni Carlo na 13 years old pa lang noong panahong yun.
Hirit pa ng Kapamilya actor, “Iba rin ‘yung pakiramdam nu’ng time na ‘yun na ang kaeksena mo si Vilma Santos. ‘Yung hinihingi nga ni direk Chito sa akin noon, pagkasampal, humarap ako kaagad.
“Hindi ako makaharap. Sobrang lakas pero kailangan mo humarap kaagad. Ang daming nangyayari, ang dami kong iniisip,” natatawa pa niyang kuwento.
Nagpasalamat din si Carlo kina Ate Vi at Albert Martinez (gumanap na asawa ni Vilma sa pelikula), “Never kasi nila ipinaramdam na superior sila. Talagang kapag kailangan ko ng tulong or ni Serena ng tulong, nandiyan sila.”
Sey naman ni Ate Vi, “Fulfillment ko ‘yun as an actor. Lalo na ‘yung mga naging anak ko sa pelikula tapos nakikita ko sila ngayon, grown up na and at the same time, nakikita ko they turned out to be good actors. Ang gagaling.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.