Gov Jonvic nabuwisit, pinasara lahat ng mall sa Cavite
IPINASARA ni Governor Jonvic Remulla ang lahat ng mall sa Cavite dahil sa pag-abuso at hindi pagsunod sa social distancing guidelines ng mga pumunta sa mall noong weekend.
Sa kaniyang post sa Facebook, ipinagutos ni Remulla ang pagpapasara ng mga mall, maging ang mga drugstore at mga grocery sa loob nito.
“Apat na araw lang kung kailan nagumpisa ang papasok ng GCQ ay halos 40 na bagong kaso. Akala ninyo ang GCQ ay FREEDOM PASS. Akala ninyo na ang pag bawas ng checkpoint ay pwede na ipagbaliwala ang mga pass para maka labas ng bahay. Akala ninyo na ang work ID ay lakwatsya pass. Ito ngayon ang aking patakaran.” aniya.
Ibinigay niyang dahilan ang kawalan ng social distancing, ang pag-gamit ng employee ID kahit hindi naman naka-duty at mga insidente ng pagorder ng take-out sa mga fast food para kainin sa loob ng mall.
Nakiusap din siya sa mga nakakapagtrabaho na sa ilalim ng general community quarantine na huwag sanang abusuhin ang kanilang ID para makagala.
“Marami sa inyo ang magagalit sa akin. Mas mabuti na galit kayo sa akin at Wala kayong Covid kaysa natutuwa kayo sa akin at nadadagdagan ang may sakit. Marami ang magtatanong…”paano kung pauwi lamang sa trabaho at dumaan sa mall?’… “Paano kung emergency?” Pasensya na kayo, inabuso ang sistema at kailangan higpitan. Marami naman grocery at drug store sa inyong bayan. Duon muna Ang kailangan bilhin. MAGBUBUKAS RIN naman pag napakita ang plano ng operators ukol sa social distancing. Tandaan, Ang Q sa GCQ ay “Quarantine.” Hinde pa po tapos ang sakuna.” pagtatapos niya.
Nailipat ang Cavite sa GCQ nitong May 16.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.