Binentang deodorant, P320K shabu pala: tulak dakip
ARESTADO ang isang lalaki nang magbenta ng P320,000 halaga ng hinihinalang shabu na nakatago sa container ng deodorant, sa buy-bust operation sa Naga City, Camarines Sur, kaninang hapon.
Dinampot si Anthony Lee, 32, matapos niyang tanggapin ang buy-bust money kapalit ng kontrabandong nasa container ng kilalang powder deodorant para sa paa’t kili-kili, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency-Camarines Sur.
Si Lee ay may-ari ng isang tindahan, pero nasa watchlist ng probinsya para sa kinalaman din sa kalakalan ng droga, ayon sa ulat.
Isinagawa ng mga tauhan ng PDEA at pulisya ang operasyon sa isang gasolinahan sa Diversion Road, Brgy. Tabuc.
Narekober sa suspek ang pakete ng aabot sa 50 gramo ng umano’y shabu, ang container ng deodorant, isang P500 papel at mga pekeng pera na ginamit sa buy-bust, at ang pinaglagyan nitong paper bag.
Nasa kostudiya ng Naga City Police ang suspek habang hinahandaan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.