'Dobleng sapak ang natikman ng mga empleyado ng ABS-CBN' | Bandera

‘Dobleng sapak ang natikman ng mga empleyado ng ABS-CBN’

Cristy Fermin - May 06, 2020 - 12:52 PM

SINUSULAT namin ang kolum na ito na may mabigat na puso. Hindi pa nga natin alam kung saan tayo patutungo kapag natuldukan na ang enhanced community quarantine ay heto.

    Wala na palang babalikang trabaho ang mga empleyado ng ABS-CBN dahil nu’ng Martes nang gabi ay tuluyan nang ipinasarado ang istasyon.

    Nagkagulatan ang Senado at ang Kongreso, ano ang nangyari, samantalang nangako nu’n ang tagapamuno ng NTC na bibigyan nila ng pansamantalang kalayaang makapagsahimpapawid ang network habang nakasalang pa ang usapin ng bagong prangkisa sa Mababang Kapulungan.

    Pero wala na silang nagawa, ipinasasara na ng NTC ang network, hindi nila tinupad ang pagbibigay ng provisional authority para makapagpatuloy sa ere ang istasyon.

    Pagkatapos ng TV Patrol ay nagpaalam na ang ABS-CBN, Lupang Hinirang na ang kasunod, pagkatapos ay nagkulay itim na ang buong screen.

    Naligalig ang ating mga kababayan, siguradong nag-iyakan ang mga empleyado ng istasyon, pagkatapos pala ng lockdown ay wala na rin naman silang babalikang trabaho.

    Nakakalungkot lang isipin na kung kailan may napakatinding problemang sinusunong ngayon ang ating bayan dahil sa pandaigdigang COVID-19 ay saka pa isinabay ang pagsasarado sa mga pintuan at bintana ng ABS-CBN.

    Iisa ang pulso ng bayan, sundin ang nararapat, pero sana man lang ay ipinagpaliban muna ang pagsasara sa network habang humahagulgol ang buong bansa sa kahirapan.

* * *

Agad na pumasok sa aming isip ang mga dati naming nakatrabaho sa ABS-CBN. Mahigit na isang dekada rin kaming naglingkod sa istasyon.

    Habang naka-lockdown ay nakakausap-nakaka-text namin sila. Umaaray na ang kanilang bulsa dahil ipinatigil ang kanilang trabaho dahil sa ECQ.

    Walang live shows, walang taping, walang shooting. Nasa bahay lang sila, naglalabas araw-araw ng pera para patuloy na mabuhay, pero walang kahit barya lang na pumapasok sa kanilang bulsa.

    Naiinip na sila sa pagtatapos ng lockdown, hindi sasapat ang laman ng kanilang bulsa kung magtatagal pa nang ilang buwan, pero nu’ng Martes nang gabi nga ay para silang pinagsukluban ng langit at lupa dahil sa tuluyan nang pagsasara ng kanilang istasyon.

    Napakasakit nu’n. Nag-lockdown, pero bitbit pa rin nila ang pag-asa na pagkatapos ng ECQ ay makapagtatrabaho na uli sila, pero wala na pala silang babalikan.

    “Mabuti pa nga ang mga laborers at may babalikan pa sila after lockdown. May naghihintay pang work sa kanila, samantalang kami, wala na pala.

    “Ilalaban ng network ang pagpapasara sa kanila, pero napakatagal pang process ang pagdadaanan nu’n, kaya paano naman kami na sa trabaho lang sa network ang inaasahan namin?” emosyon ng isa naming anak-anakan sa ABS-CBN.

    Libu-libong manggagawa at empleyado ng ABS-CBN ang nangangapa ngayon sa dilim. Mahirap nga namang mabuhay sa araw-araw na walang katiyakan kung ano ang naghihintay na bukas para sa kanila.

    Doble sapak kasi ang kanilang natikman. Lockdown at ang pagpapasarado na sa pinagkukunan nila ang kabuhayan.

    Inupuan ng Kongreso ang usapin tungkol sa pagbibigay ng bagong prangkisa ng istasyon. Napakatagal na panahon ang nasayang, hindi naging prayoridad ng Mababang Kapulungan ang susi sa pagpapatuloy ng pagsahimpapawid ng network, kaya pumasok na sa usapin ang NTC.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

    Sa totoo lang, mula nu’ng Martes nang gabi ay nagbago na ang ating nakasanayan sa pagtutok sa telebisyon, hindi tayo sanay na wala ang ABS-CBN.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending