Imelda hindi binayaran sa Iisang Dagat; ex-Hotbabe walang balak mag-politika
BINABATIKOS ngayon ng ilang makabayang grupo, and the citizenry in general, ang kumakalat na music video na pinamagatang Iisang Dagat na naglalayong mapanagumpayan ng bansa ang krisis laban sa COVID-19 pandemic.
Featuring Imelda Papin and another Filipino singer na hindi pamilyar sa amin ang mukha, kasama rin sa music video ang tatlong Intsik na mang-aawit.
Isinalin sa wikang Tagalog ang Chinese lyrics ng awiting nakapaloob sa music video na tinatayang isang propaganda umano ng mga Intsik sa usapin tungkol sa pagmamay-ari ng West Philippine Sea.
Makikita rin ang mga nakarating na Chinese medical workers sa bansa upang ibahagi ang ilang pamamaraan ng pagsugpo sa novel coronavirus, maging ang mga idinoneyt nilang PPE at medical supplies.
Paano raw magiging “iisang dagat” ang pinag-aawayang yamang-dagat kung ang Pilipinas naman daw ang talagang may-ari nito?
Maitanong lang: kung totoong isang Chinese propaganda ang music video, hindi ba ‘yon kinuwestiyon ni Imelda Papin bago napapayag maging isa sa mga performer nito, lalo’t Vice Governor siya ng pinagmulang lalawigan?
And of the many local performers, bakit si Imelda lang ang napasama roon, samantalang sa “We Heal As One” (na siyang awit sa panahon ng krisis ngayon) ay mistulang assembly ‘yon ng mga bigating mang-aawit sa bansa?
For her part though, depensa ni Imelda ay “unifying song” daw ‘yon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Hindi rin daw siya nagprisinta, bagkus she was handpicked na wala ni isang sentimong ibinayad sa kanya, meaning hindi siya tumanggap ng talent fee sa “Iisang Dagat.”
Talaga lang, ha?!
* * *
Kahit pala noong pumutok ang Bulkang Taal nitong January ay may ambag na ang dating Viva Hot Babes at GMA artist na si Alyssa Alano sa mga nasalanta nito.
To begin with, hindi taga-Batangas si Alyssa kundi mula sa bayan ng San Luis sa Tarlac. But she has earned the admiration of a Tarlac-based group through which pinadalhan niya ng ayuda intended for the Taal victims.
Consistently, sa kanyang maliit na paraan ay nakapag-abot din si Alyssa ng tulong sa kanyang mga kababayan. More than a million, in fact.
Kabilang dito ang mga ipinamahagi niyang pakete ng gatas para sa mga bata.
Let’s face it, sa rami ng assorted relief goods ay bibihirang makasama ang gatas sa mga supot ng bigas, canned goods and what have you.
Kung hindi pa namin nakita ang screenshot ng kanyang gawain, we would not have known her small acts of charity na hangga’t maaari’y ayaw niyang ipagmakaingay.
“Tito Ron, naniniwala po ako na wala nang sasarap sa makatulong ka sa iyong kapwa ke malaki o maliit pa ‘yan,” ani Alyssa sa kanyang private message.
Dagdag niya, “Hindi naman ako isang pulitiko at wala naman akong balak pumasok sa pulitika. Pero naniniwala po ako na hindi mo kailangang nasa puwesto ka para makatulong.”
Utang daw niya sa kanyang payak na pinagmulan ang pagkakaroon ng malasakit para sa mga taong higit na nangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.