Cruel, unusual punishment sa panahon ng Covid-19 nararapat ba? | Bandera

Cruel, unusual punishment sa panahon ng Covid-19 nararapat ba?

Atty. Rudolf Philip Jurado - May 01, 2020 - 06:26 PM

MARAMI raw tayong mga kababayang pasaway na lumalabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) pati na sa pinaiiral na curfew.  Ang tanong, dapat ba silang ibilad sa araw, ikulong sa dog cage, pagsayawin nang malaswa, ilagay sa gulong at paikot-ikutin at pagawin pa nang iba’t ibang bagay sa ngalan ng paglaban natin sa Covid-19 crisis?

Ang mga yan ang pag-uusapan natin ngayon.

Nitong mga nakalipas na araw, labas sa mga balita at social media ang iba’t ibang parusang ginawad at pinataw ng ilang mayors, barangay officials, PNP sa mga taong nahuli na lumabag sa quarantine/lockdown at curfew. Ito ay nakapagbigay ng attention maski sa ibang bansa at lalo na sa mga human rights groups.

Sa isang barangay sa Laguna, sa utos ng barangay officials para matiyak na ma-implement ang quarantine at ma-proteksyonan ang iba laban sa coronavirus, ikinulong sa dog cage ang nahuling lumabag sa curfew. Nilagay naman sa gulong ang isang nahuli sa Rizal na lumabag sa quarantine o curfew at tsaka ito pinagulong-gulong. Ang iba naman dito ay pinag push-up.

Pinagsayaw naman nang malaswa at inutusang maghalikan ang tatlong miyembro ng LGBT sa Pangasinan nang sila ay nahuli dahil sa paglabag sa curfew.

May mayor naman na ibinilad sa araw ang mga nahuling lumabag sa curfew. Ang isa naman ay pinag-utos na ikulong ang mga nahuling lumabag sa quarantine sa basketball court.

Ang mga ganitong parusa ay hindi naaayon sa Constitution, sa batas at pati na sa Article of the Universal Detention of Human Rights.

Una, walang karapatan ang mga mayors, officials ng Barangay, kagawad ng PNP at sino  man na maggawad ng kahit anong kaparusahan sa mga nahuling lumalabag sa quarantine o curfew.

Kailangan munang magkaroon ng paglilitis (hearing) sa mga nahuli at tanging ang Korte lamang ang magsasabi kung ang mga ito ay lumabag sa batas at ang Korte lamang ang magpapataw ng kaparusahan.

Ang pagpaparusa sa mga nahuli bago pa man ito idemanda at hatulan ng Korte ay isang maliwanag na paglabag sa due process clause ng Constitution.

Pangalawa, ang parusang ginawa naman sa mga nahuli gaya ng pagkulong sa dog cage, pag bilad sa araw, pagkulong sa basketball court, pagsayaw nang malaswa at utusang maghalikan, ay maituturing na isang cruel at unsual punishment na labag sa constitution, sa batas at sa Article of Declaration of Human Rights.

Pinagbabawal sa Constitution ang pagpataw nang malupit at di makataong parusa (cruel, degrading or inhuman punishment), kagaya ng pagpapakulong sa dog cage, pagsayawin nang malaswa at utusang maghalikan.

Ang pagbibilad sa araw ay maituturing na isang torture na pinagbabawal naman nang RA 9745 (Anti-Torture Act of 2009).

Ang mga parusang ito ay babagsak at maituturing na cruel at unsual punishment na mahigpit na pinagbabawal din sa Article of Declaration of Human Rights.

Hindi natin kinukuwestyon ang hangarain ng pamahalaan na maayos na maipatupad ang epektibong quarantine at curfew para mapigilan, labanan at tuluyang masugpo ang COVID-19 crisis.  Ito rin ang hangarin ng ating mga mayors, kagawad ng PNP, mga opisyal ng barangay at iba pang opisyal ng pamahalaan, kung saan ang ilan ay nagpapatupad ng hindi makataong parusa. Pero may batas at alituntunin na dapat sundin. May mga karapatang pantao na hindi dapat balewalain.

Hulihin lahat ang mga matitigas ang ulo na patuloy na lumalabag sa quarantine, curfew, social distancing, pagsuot ngfacemask etc. para labanan at sugpuin ang COVID-19 crisis, subalit kailangang sumunod sa batas at alituntunin ang mga nanghuhuli at ang mga nagpapatupad ng quarantine/curfew. Lahat nang nahuli ay dapat dalhin sa police precinct agad at ikulong doon at kasuhan ng paglabag sa batas.

Hayaan ang Prosecutor’s Office o Korte ang magdesisyon kung anong gagawin sa mga nahuling lumabag sa quarantine o curfew.

Sa tamang pagsunod sa batas at mga alituntunin nito, pati sa pagrespeto sa mga karapatan ng mga nahuli, ang tanging paraan upang manalo tayo sa gera laban sa COVID-19 crisis.

***

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para sa mga katanungan at reaksyon, maaring mag-email sa [email protected] o kaya ay sa kanyang Facebook page @Rudolf Philip Jurado 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending