DND: Hiling ng AFP chief sa Chinese envoy wala sa lugar
INAMIN ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na wala sa lugar ang ginawang paghingi ni Armed Forces chief Gen. Felimon Santos ng tulong mula sa Chinese ambassador upang makapag-angkat ng gamot na diumano’y lunas sa 2019-Coronavirus disease (COVID-19).
“Wala lang sa lugar dahil dapat ‘yung ganoong mga sulat ay idadaan muna sa Department of Foreign Affairs,” sabi ni Lorenzana sa Laging Handa press briefing ng gobyerno.
Pero ayon sa defense chief, kinausap niya si Santos tungkol sa ginawa nito at tinanggap naman niya ang naging paliwanag ng huli.
“The letter may have been out of place, i.e., should have been coursed through the DFA. He (Santos) had not violated any regulation nor imperiled the security of the country,” sabi ni Lorenzana sa isang kalatas.
Una dito, kumalat ang liham ni Santos kay Chinese Ambassador Huang Xilian.
Sa liham na gumamit ang opisyal na letterhead ng kanyang tanggapan, humingi ang AFP chief ng tulong sa ambassador para makabili ng limang kahon ng Carrimycin, isang gamot na ibinibenta lang sa China.
“I believe that the said medicine helped in my recovery from the coronavirus disease 2019 infection aand I intend to give the said drug to my close friends who have also been infected,” sabi ni Santos sa liham.
Ayon sa AFP chief, matapos niyang mag-positibo sa COVID-19 noong Marso 27 ay pinayagan siya ng mga doktor na inumin ang Carrimycin tablets na bigay sa kanya ng isang kaibigang Chinese.
Sinabi ni Lorenzana na naiintindihan niya ang sitwasyong dinanas ni Santos, na maaaring nagtulak sa huli na humingi ng tulong para sa mga kaibigan nito.
“General Santos was infected with COVID-19 and, although asymptomatic, went through the fear and anguish of being infected with a deadly virus… What is wrong with wanting to help those infected?”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.