INIHAIN sa Kamara de Representantes ang panukalang “New Normal for the Workplace and Public Spaces” bilang tugon sa pangangailangang pagbabago na dala ng coronavirus disease 2019.
“The foreseeable re-opening of workplaces and businesses and the resumption of economic activity halted during the period of community quarantine cannot, however, simply proceed as if things can still go back to normal,” saad ng panukala na akda ng mga lider ng Kamara kasama sina Speaker Alan Peter Cayetano, House Majority Leader Martin Romualdez at presidential son at House Deputy Speaker Paolo Duterte.
Kasama sa panukalang new normal ang mandatory na pagsusuot ng mask sa mga pampublikong lugar at paglalagay ng parusa sa mga lalabag at ang pagkakaroon ng maraming hand washing/sanitizing stations.
Mananatili rin ang social distancing at mandatory temperature check lalo na sa mga saradong lugar. Magkakaroon din ng regulasyon sa pagpasok ng tao sa mga pampublikong lugar gaya ng palengke, parke, plaza, gymnasium, arena at mga katulad na lugar.
Sa ‘new normal’ ay hindi pa rin papayagan ang pagbiyahe ng mga motorcycle taxi dahil sa taas ng tyansa na pagkahawa.
Bago sumakay ay kailangang maghugas ng kamay o mag-sanitize ng mga pasahero na uupo ng magkakahiwalay.
Ipatutupad na rin ang contact-less payment sa pamasahe.
Gagawin na ring prayoridad ng mga pribado at pampublikong paaralan ang paggawa ng online platform sa pagtuturo.
Pinagsusumite naman ng new normal workforce ad workplace management plan ang lahat ng negosyo sa nakasasakop ditong local government unit.
Nakasaad naman sa panukala ang pagbubukas ng mga kainan subalit takeout at delivery service muna ang kanilang serbisyo. Pag-aaralan umano ang dahan-dahang pagkakaroon ng dine-in.
Sa pagbabalik ng dine-in ay dapat umanong matiyak na magkakahiwalay ang mga kustomer.
Hindi muna papayagan ang buffets at salad bar services at ang menu booklet ay dapat disposable.
Pinaglalagay din ang mga kainan ng mga alcohol-based wipes o tpuchless soap dispenser.
Sa mga gusali ay lilimitahan naman ang maaaring sabay-sabay na sumakay sa elevator at pinaglalagay ang mga opisina ng mga marker sa sahig upang mapanatili ang distansya ng mga papasok sa trabaho.
Kapag pinayagan na ang pagbubukas ng salons, parlors at spas, dapat ay maging regular umano ang paghuhugas ng kamay at paglilinis sa mga gamit. Magiging mandatory na rin ang pagsusuot ng facemask at gloves.
Nakasaad din sa panukala ang pagpasok ng online classes sa curriculum at ang pagkakaroon ng staggered school days o mas maliit na class size.
Ang mga ahensya naman sa gobyerno ay babalangkas ng epektibong e-government system sa pakikipagtransaksyon dito ng publiko.
Ang ipinanukalang parusa sa mga lalabag sa new normal ay dalawang buwang pagkakakulong at multang P1,000- P50,000.
“This bill will prepare and educate the Filipino public for life after the lifting of COVID-19 restrictions and adapt to the new norms of physical distancing. It institutionalizes a new way of life after the Enhanced Community Quarantine and serves as a guide to the public.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.