Bakbakan ulit sa Sulu: Higit 3 bandido patay, 8 kawal sugatan
MAHIGIT tatlong kasapi ng Abu Sayyaf ang napatay at walong sundalo ang nasugatan nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang bandidong grupo sa Patikul, Sulu, Miyerkules ng gabi.
Narekober ng mga kawal ang bangkay ng tatlong bandido, na nakilala bilang sina Guro Khalid, Udal Muhamadar Said, at alyas “Budah,” sabi ni Maj. Arvin Encinas, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command.
Nakatanggap ang militar ng impormasyon na bukod sa kanila ay may tatlo pang ibang bandido na napatay at maraming nasugatan.
Walong miyembro ng Army 45th Infantry Battalion ang nasugatan sa bakbakan.
Nagsasagawa ng combat operation ang naturang unit sa Brgy. Latih, dakong alas-6, nang makasagupa ang di mabatid na bilang ng bandido, ani Encinas.
Tumagal nang 34 minutos ang palitan ng putok, bago nagpulasan ang mga bandido.
Bukod sa mga bangkay, narekober sa puwesto ng mga bandido ang sari-saring gamit, kabilang ang ilang equipment ng mga napatay na miyembro ng Army 21st Infantry Battalion.
Patunay ito na ang mga bandidong nakasagupa sa Latih ay sangkot din sa naunang engkuwentro laban sa mga tauhan ng 21st IB, ani Encinas.
Matatandaang 12 tauhan ng 21st IB ang nasawi at 13 pa ang nasugatan nang makasagupa ang aabot sa 40 bandido sa Brgy. Danag, noong Abril 17.
While pursuing the fleeing enemies, troops recovered 3 enemy cadavers and discovered bloodstains in the encounter site.
Dinala na sa mga pagamutan ng militar ang mga kawal na nasugatan sa pinakahuling engkuwentro.
Ayon kay Lt. Gen. Cirilito Sobejana, pinuno ng AFP Western Mindanao Command, patuloy ang operasyon laban sa Abu Sayyaf para tuluyan nang mawakasan ang bandidong grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.