Willie napaiyak sa hirap at sakripisyo ng mga frontliner
HINDI na napigilan ni Willie Revillame ang maiyak habang pinasasalamatan ang lahat ng bayaning frontliners na nakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.
Tanging ang programa lamang ng TV host-comedian na Wowowin ang entertainment-game show na napapanood nang live ngayon sa telebisyon. At walang ginawa si Willie sa kabuuan ng Wowowin kundi ang mamigay ng pera sa mga manonood.
Yun naman talaga ang objective ng TV host at ng GMA 7, ang makapaghatid ng saya at tulong sa mga kababayan natin, kaya kinarir nila ang pagkakaroon ng live show.
At sa isa ngang episode ng Wowowin, naging emosyonal si Willie at naiyak habang binibigyan ng tribute ang lahat ng frontliners na nagbubuwis ng buhay ngayon para sa bayan.
Ramdam na ramdam daw kasi niya kung gaano kahirap ang pinagdaraanang challenge ng mga ito at ang kanilang pagsasakripisyo para lamang maalagaan at mapagaling ang mga COVID-19 patients.
“Pasensya na ho kayo naging emosyonal ako dahil napakalungkot po talaga noon, e. ‘Yung anak mo hindi mo mayakap, ‘di ba, ‘yung mga pulis, ‘yung mga sundalo na nagbabantay, ‘di ba?”
“Ang hirap po talaga ng pinagdadaanan nating lahat. Hindi lang po dito ‘yan sa Pilipinas, buong mundo po ‘yan. Kung makikita niyo ho lahat ‘yan, sana po ay makinig na tayo.
“Tatagal at tatagal pa ho ‘yan. Isipin niyo ho kung gaano ho ‘yung ginagawa ng frontliners natin,” mensahe ng TV host.
Dapat lang daw na saluduhan at tawaging tunay na bayani ang mga frontliners.
“Sa mga dakilang frontliners, sa mga doktor, nurses, sa lahat po ng nagsisilbi sa ospital, sa lahat ng sundalo, pulis na nandyan sa lansangan, iniiwan ang pamilya para lang ho mapagsilbihan ho ang lahat ng mga Pilipino, saludo kami sa inyo. Maraming salamat po sa inyo,” pahayag pa ni Willie.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.