TATLONG sundalo, kabilang ang isang junior officer, ang nasawi habang apat pang kawal ang nasugatan nang makasagupa ang mga kasapi ng New People’s Army sa Himamaylan City, Negros Occidental, Linggo ng umaga.
Kinumpirma ni Capt. Cenon Pancito, tagapagsalita ng Army 3rd Infantry Division, ang bilang ng mga nasawi’t nasugatan.
Kabilang sa mga nasawi ang isang opisyal na may ranggong 2nd lieutenant, habang ang iba pa’y pawang mga enlisted personnel.
Nakasagupa ng mga tauhan ng 94th Infantry Battalion ang di mabatid na bilang ng mga rebelde sa Brgy. Carabalan, dakong alas-10 ng umaga.
Ayon kay Maj. Franco Ver Lopez, civil-military operations officer ng 303rd Brigade, nagpapatrolya noon ang mga miyembro ng 94th IB para bigyang seguridad ang mga residenteng bibigyan ng pera sa ilalim ng Social Amelioration Program ng gobyerno.
Habang palapit ang mga kawal sa puwesto ng mga rebelde ay pinasabugan sila ng mga ito ng improvised na bomba at mga granada, aniya.
Nagkaroon pa ng 30-minutong palitan ng putok bago umatras ang mga rebelde, kung saan may mga pinaniniwalaang nasawi rin at nasugatan, ayon sa militar.
Matapos iyo’y nagpadala ng mga military helicopter para ilikas ang mga nasawi’t nasugatang kawal.
Dinala ang mga sugatan sa isang pagamutan sa Bacolod City.
Nagpahayag si Col. Inocencio Pasaporte, commander ng 303rd Brigade, ng pakikiramay sa mga naulila ng mga nasawi.
Sa kabila ng pagkakaroon ng mga casualty ay palalakasin pa aniya ng unit ang operasyon laban sa NPA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.