DIY facemask video ni Kathryn viral na; Daniel muling nagpakilig sa ‘ICSYV’
PATOK na patok sa netizens lalo na sa KathNiel fans ang video ni Kathryn Bernardo habang gumagawa ng washable facemask na pwedeng gamitin ngayong panahon ng health crisis.
Dahil nga napakaimportante ngayon ng face masks at napakahirap nang bumili nito sa panahon ngayon, gumawa si Kathryn ng video para i-share ang kanyang DIY (do-it-yourself) washable face mask.
Ipinost ito ng dalaga sa Instagram na may caption na: “Please stay safe and stay at home! If it’s absolutely necessary to go out, don’t forget to take extra safety measures and wear a mask.
“Making your own DIY washable mask is easy and will help keep you, your family, and everyone else around you safe,” aniya pa.
Makikita sa video ang pagde-demo ni Kathryn sa step-by-step procedure ng paggawa ng DIY washable masks gamit ang malaking panyo at pangtali sa buhok.
Umabot na sa mahigit 1 million views ang video ng tinaguriang Queen of Hearts.
* * *
Speaking of Kathryn Bernardo, muling tinutukan ng madlang pipol ang first anniversary episode ng I Can See Your Voice kagabi sa ABS-CBN.
Hindi pinalampas ng KathNiel fans ang guesting ni Daniel Padilla sa top-rating Kapamilya mystery music game show hosted by Luis Manzano.
Isa ang kamukha ni Kathryn sa mga humarap kay Daniel sa nasabing episode kasama ang iba pang Kaloka-Like contestants ng It’s Showtime. Siyempre, sigawan at palakpakan ang audience nang ipakilala na si Carisa Viaje na kamukha nga ni Kath sa ilang anggulo.
Pero kahit na ka-face siya ni Kathryn, hindi siya ang pinili ni DJ sa ending ng show para maka-duet niya na siyang mananalo ng P25,000.
In fairness, bukod sa kamukha na ni Carisa si Kath ay kaboses din niya ito na ikinagulat din ni Daniel. Tilian muli ang fans nang tinawag niya itong “Bal” (term of endearment nila ng girlfriend) at humingi ng paumanhin sa pagtanggal sa kanya.
Kitang-kita naman na super nag-enjoy si DJ sa first guesting niya sa ICSYV lalo na sa pakikipagkulitan sa mga Sing-vestigators na sina Negi, Wacky Kiray, Kalad Karen, Angeline Quinto, Brod Pete at Kean Cipriano.
Sa huli, wagi pa rin si Daniel dahil certified See-nger ang napili niyang maka-duet nagwagi ng P25,000 — si Jonathan Garcia na gumagaya naman kay Christopher de Leon.
Kinanta nila ang OPM classic na “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko” na ni-revive ni Daniel bilang theme song ng blockbuster film nila ni Kath, ang “The Hows of Us”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.