Duterte sinisi ang leftist group sa kawalan ng national ID para sa SAP
SINISI ngayong gabi ni Pangulong Duterte ang leftist group sa kawalan ng national ID sa bansa na aniya’y maaari sanang magamit para sa mabilis na distribusyon ng P5,000 hanggang P8,000 Social Amelioration Program (SAP).
“We are facing — nagkakaroon tayo ng problema. Hindi ito perfect kaagad especially so na noon pa sinabi namin ‘yung national ID makatulong. Ang problema nito ang proponent na ayaw or the proponents of the ‘don’t’, itong mga left. Kaya kita mo ngayon wala tayong ID system until now,” sabi ni Duterte.
Ito’y sa harap naman ng mga reklamo na hindi sila nabibigyan ng ayuda ng pamahalaan sa kabila ng kanilang pagiging pasok bilang benepisyaryo ng SAP.
“Kung may ID system lang tayo we could have na — naiwasan natin itong mga ‘to. Because all we have to do — ang kailangan lang namin tanungin namin ‘yung DILG, ilang tao ‘yung barangay na ‘yan, then isi — ipadala namin ‘yung pagkain at kunin na lang ninyo doon sa tindahan ninyo or the disposal point wherever it is, ipakita mo ‘yung card mo, ibigay sa iyo,”ayon pa kay Duterte.
Nauna nang naglaan ng P200 bilyon ang gobyerno para sa Bayanihan Heal As One Act kung saan tatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 ang mga apektado ng umiiral na lockdown sa Luzon dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
“Kaya noong nagse-census ang mga barangay pati ‘yang DILG, kung wala kayo sa listahan, then hindi kayo mabigyan. Hindi na kasalanan ‘yan — huwag kayong magturo sa gobyerno kasi ginawa namin ang lahat noon pa kaya gusto nga namin may ID eh naniwala naman kayo sa mga left, mga komunista, eh ‘di sige. Doon kayo maniwala, may eleksyon na dadating. Doon kayo kasi mahaba pa ‘to,” ayon pa kay Duterte.
Tiniyak naman ni Duterte na inaayos na ng mga otoridad ang listahan ng mga dapat makinabang sa SAP.
“Gusto ko lahat mabigyan. Ayaw kong may mamatay ni isang Pilipino na gutom. Kaya may another survey tayo madalian. Ang dapat diyan barangay captain because that is your duty, inyong duty ‘yan and the mayors to determine sino ‘yang hindi nasali sa listahan at mabigyan kaagad,” paliwanag pa ni Duterte.
Sinabi pa ni Duterte na nakahanda ang pamahalaan na mangutang at ipagbili ang ilang pag-aari ng pamahalaan para hindi maubusan ng pondo.
“Mag-utang tayo nang mag-utang, mag-utang — kay mag-utang, ipagbili, mapagbili, ipagbili natin lahat hanggang maubos tapos punta na tayo lahat sa Amerika,” sabi pa ni Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.