Commander ng police precinct sa Maynila dakip sa extortion
ARESTADO ang commander ng presinto ng pulisya sa Paco, Manila, at kanyang sibilyang kasabwat para sa umano’y pangingikil sa mga vendor.
Nadakip si Capt. Josep Pedro Bocalbos, commander ng Paz Police Community Precinct, at kasabwat niyang si Joyce Sajines, 47, ayon kay Col. Ronald Lee, direktor ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group.
Dinampot ang dalawa sa entrapment na isinagawa sa loob ng naturang presinto Miyerkules ng gabi.
Bago ito, natunugan ng IMEG ang reklamo ng mga vendor sa palengke ng Brgy. Paz tungkol sa umano’y pangongolekta ng arawang P150 “tara” para kay Bocalbos.
Napag-alaman na kinokolekta ni Sajines ang pera, kapalit ng pagpayag sa iligal na pagtitinda ng mga vendor sa gilid ng palengke, ayon sa pulisya.
“Once they (vendors) fail to give the amount, they are being subjected to harassment by [Bocalbos],” ani Lee.
Samantala, nang hapong ding iyon ay dinampot ng IMEG, PNP Special Action Force, at Intelligence Group ang isang pulis na nakatalaga sa Camp Crame para sa umano’y pangingikil sa police applicants.
Nadakip si SSgt. Joel Bunugan, ambulance driver ng PNP Health Service, sa isang grocery sa Commonwealth ave., Fairview, Quezon City.
Dinampot si Bunugan nang tanggapin niya ang P100,000 marked money mula sa isang Alexander Ecle, ani Lee.
Humihingi umano si Bunugan ng pera bilang kabayaran sa pagpalit sa records ng mga police applicant na di pumapasa sa medical examination, aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.