‘Kung kailan matatapos ang salot na ito ay wala pang nakakaalam…’
NAPAKATINDI ng binago ng COVID-19 sa buong mundo.
Santo-Santo na ngayon pero ang nakaugalian na nating mga Pilipinong Pabasa ay iilan lang ang gumagawa.
Halos wala na kaming naririnig na nagbabasa ng pasyon, tahimik ang kapaligiran, dahil sa lockdown. Matinding ipinagbabawal ang paglabas ng bahay.
Pati kultura ay pinakialaman ng corona virus. Ang mga namamanata ay nasa bahay na lang din ngayon dahil ipinagbabawal ang mga aktibidad na magkakagrupo ang mga tao.
Sa isang iglap lang ay nagbago ang ikot ng mundo. Marami tayong ipinagpaliban, nakalulungkot man ay kailangan nating magtiis, dahil gusto nating masugpo ang nakamamatay na virus.
Ang mga kababayan nating nakaugalian na ang pag-uwi sa kani-kanilang probinsiya kapag dumarating ang Mahal Na Araw ay naunsiyami.
Mahigpit ang mga militar at pulis na nagbabantay sa pasukan at labasan ng mga highway, gusto man nating makasama ang ating mga kamag-anak ay pasensiya na lang, dahil sa sugat na iniinda ng buong mundo ngayon.
Napanood namin sa CNN ang mga nagaganap sa Jerusalem na dinadayo ng mga turista kapag ganitong panahon.
Pinagbawalan ang mga nagtitinda ng mga rosaryo, malinis na malinis ang palibot ng mga simbahan, apektado ang kabuhayan ng buong mundo dahil sa COVID-19.
Kung kailan matatapos ang pangdaigdigang salot na ito ay wala pang nakakaalam, tanging panalangin at disiplina lang ang ating pag-asa para malipol na ang mikrobyo, kung ano ang payo ng DOH at ng pamahalaan ay sundin na sana ng mga kababayan nating pasaway.
Matinding trahedya ang pagkawala ng marami nating kababayan, pero ang tunay na trahedya ay kapag buhay na buhay pa tayo, pero bumibitiw na tayo sa laban at pag-asang malalampasan natin ang matinding salot na ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.