Maymay Entrata na-shock, napaiyak nang malaman kung sino ang ka-video call
NA-SHOCK at napaiyak si Pinoy Big Brother Lucky Season 7 Big Winner Maymay Entrata nang biglang may tumawag sa kanya sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa bansa.
Hindi inaasahan ng dalaga na kukumustahin siya ni Big Brother habang nasa condo niya sa isang à la-confession room style conversation sa pamamagitan ng video call.
Kitang-kita ang pagkabigla ni Maymay nang marinig ang boses ni Kuya sabay iyak.
“Safe naman po kami. Hindi kami lumalabas. Nasa condo po kasama ang dalawang best friends ko,” aniya kay Big Brother nang kumustahin siya nito.
“Nalulungkot ako Kuya. Kasi pag-iiniisip ko example kami dito, ‘Bored na bored na kami ano ba gagawin natin dito?’ ganyan. Pero iniisip na lang namin kung gaano kahirap ‘yung ibang tao na kami bored dito anong susunod na movie namin.
“Minsan pala iisipin mo din kung ano ‘yung pinagdadaanan ng ibang tao na kulang ‘yung pangangailangan nila sa araw-araw.
“Lalo na ‘yung nakikita ko ‘yung video na napakahirap daw maging mahirap pero patuloy pa din nagtatrabaho na wala silang choice,” pahayag ng dalaga.
Ibinalita rin ni Maymay na napakasarap sa pakiramdam na naging bahagi siya ng Pantawid Ng Pag-Ibig concert ng ABS-CBN na nagsilbing fundraiser para makalikom ng donasyon para maipamahagi sa mga apektado ng enhanced community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic.
“Masayang-masaya talaga ako Kuya na naging parte kami nung Pantawid ng Pag-Ibig na kung saan pwede po sila magbigay po ng donasyon para makatulong at makapag-provide sila ng pangangailangan ng mga taong mas nangangailangan,” sabi ng dalaga.
Mensahe naman ni Maymay sa madlang pipol, “Lagi po silang manalangin sa Diyos. Huwang nilang hayaan na kainin sila ng takot at pangamba. At have faith.
“‘Yung faith na hindi mo pa nakikita pero ngayon pa lang naniniwala ka na na magiging okay ang lahat. Talagang ibigay mo lang lahat ng tiwala mo sa Diyos,” aniya pa.
Samantala, hinihiling ng mga Kapamilya na sana’y magkaroon ng part 2 ang “Pantawid Ng Pag-Ibig” digital concert para mas marami pang mag-donate at maipamahagi sa milyun-milyon pang pamilyang Pinoy na apektado ng COVID-19 crisis.
Mahirap man gawin sa maikling panahon, napagsama-sama ng Kapamilya network ang 100 na mga artist. Sa isang gabing concert, nag-alay ng awitin at mga mensaheng hitik sa inspirasyon sa mga manonood sina Martin Nievera, Gary Valenciano, Sharon Cuneta, Zsa-Zsa Padilla, ang mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velasquez, Lea Salonga, Bamboo, Moira, Lani Misalucha, mag-asawang Matteo at Sarah Geronimo-Guidicelli at Vice Ganda.
Narinig rin ang pag-awit nina Sam Milby, Jericho Rosales, Inigo Pascual, Billy Crawford, Paolo Avelino, Erik Santos, Darren Espanto, “It’s Showtime” at “Magandang Buhay” hosts at marami pa.
Nakadagdag pa sa hirap ng pag-oorganisa ng espesyal na pagtatanghal na ito ang ipinatutupad na quarantine, ngunit hindi ito naging balakid sa ABS-CBN.
Dahil dito, nakalikom ang fund-raising concert ng halos P257 million na ibibigay sa mga alkalde ng Metro Manila para sila na ang magbahagi sa kanilang constituents.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.